Takot kay Nikki Gil: Bangs Garcia ikinaila ni Billy

SA lumabas na balita na kahit girlfriend daw ni Billy Crawford si Nikki Gil ay nakikita raw na madalas sa condo unit ng singer/tv host ang sexy star na si Bangs Garcia, di mapigilan ni Billy  ang magpahayag ng pagkairita at pagkapikon sa isyung ito kung saan tinuligsa ni Billy ang nagpasimula at nagpakalat ng nasabing balita.

Ipinaliwanag ng Pop/RNB sensation na walang katotohanan ang kumalat na kuwento lalo’y di sila close ni Bangs at wala silang common friends na masasabing magiging kuneksyon nila ng sexy star. Aminado si Billy na may condo unit siya sa Libis pero hindi nangyari na nagpunta dito ang aktres para pagtaksilan niya si Nikki.

Ayon sa tv host ay mahal at loyal siya sa girlfriend at di niya magagawang lokohin ito. Pinagtawanan nga lang nila ang nasabing isyu at di nila sineryoso ito dahil alam naman nila pareho na wala itong katotohanan.

Sa interview namin kay Billy, ramdam pa rin namin kung gaano talaga siya kaseryoso sa nararamdaman para sa girlfriend na siyang sumira sa playboy image dati ni Billy.  Kung dati kasi ay aminadong maraming babae ang dumaan sa buhay niya, mula nang maging girlfriend si Nikki ay di na na-involve sa iba si Billy kundi lang lumabas ang isyu sa kanila ni Bangs.

Sa hiwalay naman naming interview kay Bangs, nagbigay pahayag naman ang sexy star na hindi siya maninira sa relasyon ng may relasyon kahit kailan at hindi porke’t may pagka-sexy ang imahe ay dapat inuugnay na siya sa  ganitong klase ng mga intriga.  Kakatwa nga dahil si Nikki mismo ang nagsabi kay Bangs na may isyung lumabas na nag-uugnay sa kanila ng boyfriend, di naman ideneny ng aktres na totoong madalas siya sa Eastwood na may kasamang kahawig daw ni Billy pero siniguro sa amin ni Bangs na never pa silang lumabas o nagsama sa isang okasyon ng tv host puwera lang sa ibang rehearsals o events sa ABS.

Sa kabila ng intrigang kinahaharap, abala ngayon si Billy sa rehearsals sa nalalapit niyang concert, ang “25 B.C.” ngayong darating na September 11, 18, at 25 sa Music Museum.  Regular ding napapanood sa “ASAP XV” at sa” Panahon Ko ‘To” kasama si Luis Manzano, sa susunod na taon ay pabalik-balik na bansa at sa France si Billy para gumawa ng panibagong international album sa ibang bansa at iaktibo ang naiwang international career doon.

***************

Sa naging break up nila Carl Guevarra at Daina Meneses,  inamin ng hunk actor na ang career ang isa sa rason kung bakit nauwi sa break up ang relasyon nila ng Barzilian tv host.  Naging girlfriend si Daina nung panahong di pa abala sa kanyang showbiz career, ang tv host mismo ang nagsabi kay Carl na kailangang magpokus sila sa kani-kanilang showbiz career kung saan si Daina pa nga mismo ang nag-set ng meeting  para maka-usap ng hunk actor ang manager nito ngayon na si Kuya Perry Lansigan.

Sinunod naman ang napagkasunduan dahil abala ngayon sa mga shows sa GMA like” Jejemom” at  isang sitcom na sisimulan ng Kapuso network pagsasamahan nila Raymart Santiago at Gelli de Belen, ang “Bantatay,” isa si Carl sa rumampa sa “Cosmopolitan Bachelor Bash 2010” kung saan talaga namang pinaghirapan  ng husto ng young actor ang maganda niyang pangangatawan.  Nagsimula sa 230 lbs. at ngayon ay isa na sa mga artista nating lalake na matatawag na hunk, disiplina sa pagkain at walang palyang work out ang susi kung bakit ganun na kaganda ang katawan sa ngayon ni Carl.

Isa sa mga artista nating lalake na hindi nakaligtas sa gender issue kung saan kinukuwestiyon ang pagkalalaki ni Carl, ayon kay Carl ay nagsimula ang nasabing balita mula nang makita siyang madalas na kasama sa mga lakaran ang bago niyang manager.  Pinagtatawanan lang ang nasabing balita lalo’t kumpiyansa naman sa kanyang pagkalalake, para kay Carl ang importante ay kilala niya ang kanyang sarili at alam niya ang totoo niyang pagkatao.

Sa tanong namin kung handa na ba siyang pumasok sa panibagong relasyon sa ngayon, hindi pa ang sinagot sa amin ng hunk actor na ang pokus sa ngayon ay ang papaganda pa niyang career. Deretsahan/Melba R. Llanera

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply