Taning sa Ombudsman sa impeachment: 10 araw

MAY sampung araw si Ombudsman Merceditas Gutierrez para sagutin ang impeachment complaint na nakahain laban sa kaniya sa Kamara de Representantes matapos maideklarang “sufficient in substance” ang dalawang reklamo sa botohan kahapon sa House committee on justice.

Sinabi ni Iloilo Rep. Niel Tupas, chairman ng House committee on justice na agad nilang ihahain sa tanggapan ni Gutierrez ang dalawang impeachment complaint kahapon din mismo matapos ang isinagawang pagdinig.

Inaasahang sasagutin ito ni Gutierrez sa loob ng sampung araw, samantalang ang consolidation naman ng dalawang impeachment complaint ay isasagawa pagkatapos ng trial.

Sa botong 41 na pabor at 14 na hindi pabor, idineklara ni Tupas na ang unang impeachment complaint na inihain ni dating Akbayan Rep. Risa Hontiveros ay may sapat na substansya.

Samantala, halos ganito rin ang ikalawang reklamo na inihain ng grupo ni Renato Reyes dahil pinaboran ito ng 41 samantalang 16 lamang ang tumutol na mga mambabatas.

Sa panig ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño at Akbayan Rep. Kaka  Bag-ao ay ikinatuwa nila ang anila’y kauna unahang pagkakataon sa nagdaang mga taon na ang impeachment complaint ay lumarga ng maayos sa komite dahil agaran naman itong pinapatay.

Nag-abstain naman sa naturang botohan sa dalawang impeachment si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez.

Samantala, inihayag naman ni Deputy Speaker at Quezon Rep. Erin Tañada na bagama’t umusad na sa komite ang dalawang reklamo ay nananatiling walang party stand dito ang Liberal party. Meliza Maluntag

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply