‘Tong kolektor ng SPD, mas mapera pa ngayon kaysa DD’

BUHAY-milyonaryo na pala ngayon itong bagitong pulis na na-assigned para mangolekta ng “tong” sa lahat ng “tabakuhan” diyan sa buong area of responsibility ng Southern Police District (SPD).

Ang tinutukoy kong pulis ay itong si “PO1 DT,” na ang tanging pinagsisilbihan ay itong director ng SPD na walang iba kundi si Chief Supt. Jose Arni delos Santos.
Pero ano itong sumbong sa akin ng isang katotong les-pu din na kahit “tong” kolektor lang itong si “PO1 DT” ay hindi uubra sa kanya si General delos Santos pag “oskar” mula sa “tabakuhan” ang pag-uusapan?

Ang “oskar” sa salitang pulis ay pera samantalang ang “tabakuhan” naman ay ang mga iligal na negosyo sa kanilang lugar na maaaring nilang madelihensiyan o kotongan ng pera.

Buhay-mayaman na daw ngayon itong si “PO1 DT” dahil tatlong condominium na daw ang naka-rehistro mismo sa pangalan nito. Bukod pa ang mga mamahaling sasakyan nito na kasalukuyan ay iginagarahe sa bawat lugar ng kanyang condo units.

Puro bukol daw ang inaabot ni Director delos Santos at ng iba pang opisyal ng SPD kay “PO1 DT” dahil wala daw alam ang mga ito kundi ang sumahod mula sa kolektor kada linggo.

Kumbaga, “fix” na ang halagang ibinibigay sa kanila nitong si “PO1 DT” at hindi deklarado lahat sa kung saan nagmula ang lingguhang “oskar.”

Gamit daw ni PO1 DT bilang mga “sub-collectors” ang ilang mga pulis na naka-assigned sa DPIU (District Police Intelligence Unit) ng SPD. Susmaryosep! Ultimong importanteng sangay ng SPD tila naging “collection agency!”

At ang taga-sobre daw ni PO1 DT sa kanyang koleksyon ay walang iba kundi ang policewoman na may ranggong PO2 na malapit daw kay Director delos Santos dahil sing-ganda daw ito ni Venus. Wow!

Mas matindi pa daw ang policewoman na ito kaysa sa kumander ni General! Tsk, tsk, tsk! Ala-Batman at catwoman daw ang tandem nitong sina PO1 DT at ng aleng pulis pagdating sa pambubukol sa kanilang mga opisyal at mga kasamahan kaya nga daw hindi magkanda-ugaga si aleng pulis sa pagpapalit ng mga “small bills” nang sa gayon ay pati “butal” ay makangkong ng dalawa.

Ganyan po ngayon ang kalakaran sa pulisya. Hindi naman natin inilalahat ng mga pulis sapagkat may mga kakilala din ako na tunay kong masasabi na mga matitinong pulis at tapat sa kanilang tungkulin.

Nagkataon  lang po na sadyang maraming “bugok” sa hanay ng Philippine National Police (PNP). Walang iniisip kundi ang pagkakakuwartahan.

Ang masakit nito, mismong mga opisyal pa ang nangunguna pagdating sa delihensiya kaya dumami sa mga tauhan nila ang totoong naging “”kurap.”  ‘Ika nga, kung ano ang puno ay iyon din ang bunga kinalaunan!

At hindi ito puwedeng ipagkaila ng mga de-ranggong pulis kahit na si General delos Santos dahil kung lilibutin n’yo ang buong nasasakupan ng SPD ay mabibigla kayo sa inyong makikita – hitik sa mga iligal na negosyo ang buong area ng SPD.
Nagkalat ang prostitution dens, bold shows sa club/ KTV bars, illegal gambling, illegal terminals, bentahan ng shabu at iba pang illegal drugs.
Ito ang mga dahilan kung bakit kada linggo ay may mga pulis na nag-iikot o umoorbit sa buong south district para mang-delihensiya.

Dahilan din kung bakit maraming pulis ang kalimitang naka-istambay at nagpapakaligaya sa loob ng mga club diyan sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa Baclaran area sa Parañaque City. Grabe ang bold shows at gimikan sa loob ng mga
club/KTV bars sa lugar na iyan.

Hindi ko alam kung nagtatanga-tangahan o sadyang ayaw lang kumibo nitong si Parañaque Mayor Jun Bernabe sa nangyayaring mga iligal na hanap-buhay diyan sa kanyang lugar.

O baka naman  totoo ang sumbong sa akin na may parating na delihensiya din sa kanyang opisina ang mga operator nito!

Hindi ko titigilan ang SPD at itong si Mayor Bernabe hangga’t hindi kumikilos ang mga ito laban sa mga operator ng bold shows at prostitution den diyan sa Baclaran area. Maraming kabulukan sa loob ng mga club/KTV bars sa lugar na ito.

Du’n pa lang ay talo na agad sa buwis ang local na pamahalaan ng Parañaque.

Abangan n’yo pa sa susunod ang iba pang detalye tungkol dito!
* * * * * * * *

Anumang reklamo, komento, suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail
lang sa boyetmunar@yahoo.comat malugod ko kayong paglilingkuran!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply