Trapik: baha + kuliglig + trapik layt, MTpB, atbp

GRABE talaga ang trapik sa Kamaynilaan.

Hindi lang baha, Suki, ang problema. Ang totoo, problema lang ang baha kung umuulan.

Katumbas ng baha na pabigat sa daloy ng trapiko ang mga bulag at magkakakontrang trapik layt, paghahari ng mga kuliglig at de padyak at namemerang mga trapik enporser.

oOo

Sa kanto ng Bonifacio Avenue, Mayon St. at dalawa pang ibang kalsada na sakop ng Quezon City, may magkakontra at bulag na trapik light – ang “left turn” mula sa Bonifacio Ave. galing Balintawak at “go” naman mula sa Mayon St.

Magkasabay na tumatakbo pasalubong sa isa’t isa ang mga sasakyan dito at ang masama pa, bulag o pundido ang trapik layt para sa mga nanggagaling sa Mayon St.

Sa harapan naman mismo ng city hall ni Mayor Fred Lim, kapag nag-”go” ang galing sa tagiliran ng city hall at SM Manila, “go” rin ang galing sa Intramuros na magsasanga  ng “left turn” at streyt na go.

Humahalo pa rito ang mga nag-u-”U-Turn” galing sa Liwasang Bonifacio kasabay ng pagsaksak ng mga de padyak at kuliglig at jaywalking ng mga pedestrian.

Kung wala kang hayblad ay aatakehin ka naman sa puso hindi lang dahil sa nililikhang trapik ng mga ito kundi dahil sa mga banggaan at disgrasyang iyong aabutin kung hindi ka mag-iingat at magpapasensiya.

Humihinto naman ang mundo ng mga motorista sa mismong dulo ng Teresa St. galing sa Polytechnic University of the Philippines sa Sta. Mesa, Manila. Grabe ang iligal na parking ng mga dyipni na may rutang Marikina-Cubao-Sta. Mesa.

oOo

Itong mga Manila Traffic and Parking Bureau ni Mayor Fred Lim ay masisipag naman.

Pero kung oras ng tanghalian at meryenda yata, eh, biglang nawawala ang mga ito sa harapan ng city hall kaya nagkakandabuhol-buhol ang trapik diyan.

Ispiking op MTPB,  marami sa mga ito ang parang nuno sa punso na nagtatago at lumilitaw sa mga puno o pader o poste na ilang metro ang layo mula sa mga kantong may trapik sayn na “no right turn on red signal” para mangotong sa mga nagkakamali.

Por eksampol mismo sa UN Ave. pakaliwa sa Romuladez St. at tabi pa mismo ng Manila Police District headquarter.

Sa Sta. Mesa, Manila, pinanonood lang ng mga MTPB ang mga barker na nagdidikta ng iligal na parking ng mga nasabing dyip sa mismo pang daraanan ng mga pedestrian.

Kung saan may marka na mga puti para daanan, ito ang pinaaapakan sa mga dyipni bilang loding, anloding at parking erya.

Ang sumbong sa atin, takot umano ang mga MTPB sa mga barker at mga drayber na ang tatapang pa.

Ano-ano kaya ang mga pupuwedeng gawin sa mga problemang ito na nagiging perhuwisyo na hindi lang sa mga biyahe kundi sa ekonomiya?

Paging Mayor Lim at Mayor Bistek!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply