Tulong sa katulong

NOONG uso pa ang “alipin,” magandang pakinggan ang “alila.” Katunayan ito nga ang tawag ng mga “may pusong” may-ari ng tahanan sa kanilang mga tagapagsilbi.

Nang magasgas na ang alila naging pangit na itong pakinggan at naimbento ang salitang “katulong.”
Sa katagalan – dahil marahil sa kultura nating maawain sa mga sawimpalad at takot humarap sa katotohanan – sumakit na rin sa tenga ang katulong. Kaya naimbento ngayon ang “kasambahay.”

Pero itataya ko ang huli kong piso sa bulsa, papangit rin sa pandinig natin sa kalaunan ang kasambahay. Mabango lamang ito ngayon dahil bago pa, pero kapag tumimo na sa isipan natin kung ano ang trabaho ng isang kasambahay masasabi natin sa kapitbahay na “ang pangit naman ng tawag ninyo sa katuwang ninyo sa bahay.” Wala kasi sa tawag iyan kundi nasa kalagayan.

Yamang nasabi ko na iyan, ang tunay na gusto kong pag-usapan e yung mga katulong o domestic helper (DH) na ipinadadala natin sa Gitnang Silangan. Sa Gitnang Silangan lang naman kasi talamak ang pang-aabuso sa mga Pinay DH. May naririnig din tayong mga pagmamalabis sa Pinoy sa ibang lugar pero walang tatalo sa Middle East – lalo na sa Saudi Arabia – kung pagmamalabis sa Pinay DH ang pag-uusapan.

Palibahasa’y mahigit sampung taon akong nanirahan sa Saudi, marami na rin akong narinig na mungkahing solusyon sa problema ng mga DH – mula sa nakatatawa hanggang sa nakaiiyak at nakaiinis.

Isang halimbawa ang suhestyon galing mismo sa isang opisyal na Pinoy. Anya, dapat pagbaunin ng “emergency kit” ang mga papupuntahing DH sa Saudi. Kasama sa kit ang lubid – hindi para magbigti kundi para gamitin kung sakaling kailanganing tumakas sa amo. Marami kasi tayong kabayan na napipilayan o nadidisgrasya sa pagtalon sa bintana ng bahay. Kapag bumibisita nga ako noon sa “halfway house” o bahay kanlungan ng konsulado para sa mga tumatakas na kababayan, laging meron doong kabayan na pilay ang paa o braso. Hindi rin nawawalan ng biktima ng rape at ng nawawalan ng bait.

Meron ding seryosong solusyon na masyadong masalimuot. Kasama na rito ang pagbabawal o ban sa pagpapadala ng DH doon. May punto ito dahil maliit na porsyento nga lang naman ng remittances galing Saudi ang mula sa mga DH at mas malaki ang gastos ng gobyerno sa kanila dahil sa mga problemang legal na dulot ng mga pagtakas at pagkakakulong.

Katunayan, ginawa na ito ng gobyerno natin noong panahon ni Cory. Ipinagbawal ang pagpapadala ng DH sa Middle East noon pero binawi agad dahil sa ganting paghihigpit ng mga gobyerno doon. Marami pang mungkahing solusyon pero kapos na ako sa espasyo. Ikukwento ko na lang kapag medyo sinipag ako.

Pero sa medaling salita, ang pinakaepektibo lamang solusyon sa problemang ito e magkaroon ng sapat na trabaho dito sa Pinas para ang pagtatrabaho sa ibang bayan e usapin na lamang ng kagustuhan at hindi ng kagipitan sa buhay. Paroo’t Parito/Hernan Melencio

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply