Jesus Verzosa ‘ipinadadakip’ ng Senado

IPINALALAGAY sa watchlist ng Bureau of Immigration si dating  PNP chief director-general Jesus Verzosa matapos mabigo itong dumalo sa isinasagawang  imbestigasyon ng makapangyarihang Blue Ribbon Committee hinggil sa jueteng.

Sa ikalawang pagdinig ng Blue Ribbon sa jueteng, inatasan ni Sen. Teofisto “TG” Guingona Jr., ang Bureau of Immigration na kaagad ilagay sa watchlist ng ahensiya si Versoza upang mapigilan na makalusot pabalik ng bansa.

“In our official communications with the Immigration Bureau, we ask them to put former PNP chief Versoza under their watchlist,” ayon kay Guingona.

Isa si Versoza sa pinangalanan ni dating Archbishop Oscar Cruz na tumatanggap ng multi-milyong payola mula sa operasyon ng jueteng sa bansa sa halagang P150 milyon kada taon ayon sa privilege speech ni Sen. Miriam Defensor-Santiago.

Kaugnay nito, ipinagmalaki naman ni Interior and Local Government Secretary   Jesse Robredo na epektibo ang ipinapatupad na “one-strike policy” na naunang iniutos ni PNP chief Dir. Gen. Raul Bacalzo.

Ginawa ni Robredo ang assessment sa kanyang pagtestigo sa Senate hearing sa isyu ng jueteng payola.

Ayon kay Robredo, sa ngayon umano ay na-minimize na ang illegal numbers game sa buong bansa dahil sa pinalakas na kampanya lalo na sa jueteng.

Sa naunang direktiba ng PNP chief, kanyang binuhay ang naturang patakaran kung saan posibleng sibakin ang mga chief of police, provincial director at maging ang regional director kung paulit-ulit na matutukoy sa kanilang area of jurisdiction ang pag-iral ng jueteng.

Iniulat naman ni Bacalzo na batay sa report ng kanyang mga field commanders, bumaba ng tatlo hanggang limang porsiyento ang operasyon ng jueteng mula nang ipatupad ang “one-strike policy” dalawang linggo na ang nakakaraan mula nang umupo sa puwesto. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply