1 patay, 2 sugatan sa pamamaril

PATAY ang isang taxi driver habang sugatan naman ang dalawang katao makaraang pagbabarilin sila ng hindi pa nakikilalang armadong lalaki sa kahabaan ng Edsa kahapon ng gabi sa Quezon City.

Kinilala ang  biktima na si  Roberto Coyugan, 51, ng Natividad, Pangasinan. Namatay si Coyugan habang nilalapatan ng lunas sa East Avenue Medical Center.

Kinilala ni PO2 Jogene Hernandez ng Quezon City Police District’s Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ang dalawang nasugatan na sina Rodel Regondola, 39, ng Lopez, Quezon, at Jessie Furio.

Walang sabi-sabi umanong pinaputukan ng lalaking nakasuot ng  fatigue jacket ang mga biktima sa harapan ng Philippine Women’s University.

Ayon kay Hernandez, naghihintay si Coyugan ng pasahero nang lumapit ang suspek na parang may hinihintay.

Bigla na lamang umano itong bumunot ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril at sunod-sunod na pinaputukan ang tatlong biktima.

Kahit may sugat si Regondola ay nagawa pa nitong dalhin sina Furio at Coyugan sa  EAMC gamit ang taxi.

Binawian ng buhay si Coyugan ganap na 1:35 ng madaling araw habang ginagamot. Si Furio ay nagtamo ng mga tama ng baril sa kanang braso at kanang tuhod, samantalang si  Regondola ay tinamaan sa kanang baraso.  James de Jesus

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply