1,800 traffic enforcers ikakalat sa Metro Manila

SISIMULAN nang ipakalat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang 1,800 traffic enforcers sa mga lansangan na patungo sa mga pribado at pampublikong sementeryo bilang bahagi nang pagsisimula sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko sa araw ng Undas.

Ayon kay Emerson Carlos, direktor ng Traffic and Transport Management Office (TTMO), magtatalaga rin sila ng mga enforcers sa mga lansangang malapit sa mga bus terminal dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasaherong magtutungo sa kani-kanilang lalawigan.

Itinalagang pansamantala si Carlos bilang officer-in-charge (OIC) ng MMDA matapos magtungo sa Jakarta, Indonesia si Chairman Francis Tolentino upang dumalo sa 1st ASEAN Meeting for Governors and Mayors.

Sinabi ni Carlos na kabilang sa mga pangunahing lansangan na tututukan ng kanilang mga traffic enforcer ang mga daan patungo sa North Cemetery, La Loma at Chinese Cemetery sa Maynila, Manila at Loyola Memorial Park sa Parañaque, Holy Cross Memorial Park, Himlayang Pilipino at Eternal Park sa Quezon City at Loyola Memorial Park sa Marikina City.

Tiniyak na hindi magkakaroon ng kalituhan sa pagmimintine ng trapiko dahil nakipag-ugnayan na sila sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at mga alkalde ng lokal na pamahalaan upang maging maayos ang daloy ng trapiko. Johnny Arasga

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply