2 namatay sa mabilis na bike

NAGING mitsa ng kamatayan para sa dalawang lalaki nang paharurutin ang motorsiklo na sinasakyan hanggang mawalan ng kontrol at sumalpok sa isang poste, sa Las Piñas City.

Patay kaagad ang driver na si Jenes Daang, residente ng Tirso S. Cruz st., Brgy. Almanza 2, nang mabasag ang bungo habang naisugod pa sa Alabang Medical Center ang kasamang si Jhon Christian del Rosario, 25, subalit hindi na rin umabot ng buhay sanhi ng tinamong grabeng pinsala sa ulo at katawan.

Sa imbestigasyon ni PO1 Archie Rodriguez, galing sa area ng Cavite ang dalawa at pauwi na sana sakay ng isang Yamaha motorcycle na may plakang WE-6142, nang magpatakbo ng matulin sa malapad na kalsada ng Daang Hari, pasado ala-singko ng hapon.

Dahil sa mabilis na pagpapatakbo, nawalan ng control ang sasakyan sa pakurbadang lansangan hanggang tuluyang sumalpok sa isang konkretong poste ng ilaw.

Napag-alaman na kapwa nakasuot ng helmet ang mga biktima subalit dahil sa malakas na pagsalpok ng motorsiklo ay tumilapon ang mga ito at natanggal na naging dahilan nang pagkabasag ng kanilang bungo. Johnny F. Arasga

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply