4 pulis Maynila na kotongero kinasuhan na

ISINAMPA sa Manila Regional Trial Court (RTC) ang kasong robbery extortion laban sa isang opisyal ng Manila Police District (MPD) at tatlo nitong tauhan na inakusahang nangotong habang ang isa ay  inakusahang nangmolestiya, sa isinagawang ‘Oplan Sita’, sa Tondo, Maynila noong nakalipas na buwan.

Ang kaso ay isinampa laban kina Insp. Ricardo Magtajas, SPO2 Roderick Lacangan, SPO1 Romeo Batalla at PO2 Gerry Genalope, pawang nakatalaga sa MPD-Station 7.

May sapat na batayan ang Manila City Prosecutor upang isalang sa paglilitis ang mga akusado kasabay ng rekomendasyon na maaari silang maghain ng piyansang P100,000 para sa pansamantalang kalayaan.

Matatandaan na napaulat ang pagkakadakip ng apat sa isang entrapment operation sa reklamo ng biktimang si Jonnalyn Trajano, 18, kasama ang isang Michael Navoa.

Nag-ugat ang kaso nang patigilin ng mga pulis sa checkpoint ang Starex van na minamaneho ni Navoa, sa Yuseco st., sa inilatag na “Oplan Sita” noong Setyembre 24.

Nang kapkapan si Navoa ay nakunan ng marijuana sticks na itinago sa kaha ng sigarilyo. Kinuha umano ng mga pulis ang wallet nito na may P9,000. cash at hiningan ng P200,000 upang hindi na kasuhan ng illegal possession sa paglabag sa RA 9165 (Dangerous Drugs Act).

Sa panig naman ni Trajano, si Lacangan ang nagmaneho ng Starex at habang nasa tabi siya nito ay ipinasok ang mga kamay sa kanyang t-shirt at nilamas ang kanang dibdib niya.

Kinuha din ng mga ito ang iPhone niya bago sila pinakawalan upang ipatubos sa halagang P20,000 matapos mabigong maisangla.

Bunsod nito, humingi ng tulong ang mga biktima sa tanggapan ni Manila Mayor Alfredo Lim kung saan inaksiyunan naman ni Chief Insp. Marcelo Reyes na gumamit ng marked-money sa pagbitag sa mga akusadong pulis. Jocelyn Tabangcura-Domenden

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply