5-star hotel sa Pasay City, peke ang business permit at Yakuza gang sa Maynila

KAHIT  ang malaking kumpanya ng isang sikat na hotel sa Pasay City ay hindi nakalusot sa katarantaduhan nitong mga tiwaling opisyal sa Pasay City Hall noong taong 2008 hanggang 2009.

Termino ito ng dating alkalde ng lungsod na si Ginoong Peewee Trinidad.

Peke ang ibinigay na business license at permit sa nasabing hotel. Nalaman lamang ito nang inspeksiyunin ang kanilang dokumentos ng mga kinatawan ng Pasay City Hall sa pangunguna ni Boyet del Rosario, ang bagong hepe ng Business Permit and Licensing Office.

Ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit malaki ang utang sa amelyar ng naturang hotel sa local na pamahalaan.

Wala kasi sa opisyal na talaan ng city hall ang business permit ng nabiktimang hotel.

Ilan lang ito sa mga nangyari sa Pasay City Hall noong 2008 hanggang sa buong taon ng 2009, na ngayo’y paksa ng sangkaterbang reklamo mula sa mga naging biktima ng grupong sindikato.

Ilang daang-milyong piso ang hinihinalang naibulsa ng mga taong nasa likod ng anomalyang ito.

Dahil hindi lamang business permit ang kanilang dinugas kundi maging mga bayad sa health at working permits na pawang pineke din nila.

Bukod pa rito ang mga ibinayad na amelyar sa lupa na kung susuriin ang mga papeles ay malinaw na kuwestiyunable ang mga naitalang halaga.

Sa ngayon, inihahanda na ng city legal office ang mga posibleng kaso na ihahabla laban sa mga taong responsable sa anomalyang ito.

Kasabay na rin ang patuloy na pag-iikot ng grupo ni del Rosario, kasama ang pulisya sa pangunguna ni Senior Superintendent Napoleon Cuaton – ang magaling at maaasahang hepe ng Pasay City police.

Patuloy rin ang pagrekisa sa mga kuwestiyunableng records na nadiskubre sa mga tanggapan sa Pasay City Hall katulad ng BPLO, City Assessor’s Office at City Treasurer’s Office.

Ang nasabing mga opisina ang tumbok ngayon ng malalim na imbestigasyon na ipinag-utos ni Mayor Tony Calixto.

Samantala, isa pang hotel, na may sugalan din ng Pagcor (Philippine Amusement and Gaming Corporation), ang iniimbestigahan na rin ng City Hall sa posibleng anomalya nito sa pagbabayad ng buwis kada taon.

Ang pamunuan ng nasabing hotel ay matunog na matunog na malakas ang “kapit” sa nakalipas na administrasyon ng lungsod ng Pasay.

* * *

Alam kaya ni Manila Mayor Fred Lim na bukod sa Korean gangsters ay naglipana rin sa distrito ng Ermita at Malate ang mga miyembro ng Japanese Yakuza gang? Sa impormasyong ipinarating sa akin, drug trafficking, prostitusyon, protection racket, kidnapping, at hulidap ang lakad ng mga animal na ito.

Isang nagngangalang Fukuda ang sinasabing isa sa mga lider ng Yakuza sa Maynila. Si Fukuda ay nagmamay-ari ng isang Japanese karaoke bar sa A. Mabini St., Ermita.

Malawak at malalim ang koneksyon ng grupong Hapones na ito. Abangan n’yo sa susunod ang iba pang detalye ng Yakuza gang sa Maynila.

* * * * * * * *

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply