Amnestiya kay Trillanes, iba pa, ‘kulang’

BAGAMA’T natutuwa sa napipintong pagpapawalang-sala sa mga sundalong nag-alsa laban sa nagdaang administrasyon, kulang pa rin ito, ayon sa isang senador.

Kinuwestiyon ni Sen. Alan Peter Cayetano ang limitasyon ng ibinigay na amnestiya ni Pangulong  Benigno “Noynoy” Aquino III kay  Sen. Antonio Trillanes IV, kabilang ang lahat ng sangkot sa Oakwood Mutiny, Peninsula take-over at Fort Bonifacio standoff.

Partikular na pinansin ni Cayetano ang pagbabawal sa 78 opisyal ng militar na nagmumula sa ranggong second lieutenant hanggang heneral na pumaloob muli sa militar.

Ipinaalala ng mambabatas na noong nabigyan ng amnestiya ang ilang opisyal at tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) nabigyan pa ang mga ito ng pagkakataong sumanib sa sandatahang lakas.

Kahapon ay walang kagatol-gatol na inaprubahan ng mayorya ng Senado ang amnestiya para kay Trillanes at mga nabilanggong kasamahan nito.

Tiniyak ni Senate President Juan Ponce Enrile na simpleng mayorya lamang ang kailangan upang maaprubahan ang resolusyon ng Senado na nagpapatibay sa Proclamation No. 50, na nagbibigay ng amnestiya sa mga nasabing sundalo.

“Simpleng mayorya lamang ang kailangan,” ani Enrile

“Hindi naman railroading kasi umabot na sa 17 senador ang lumagda sa isang hiwalay na resolusyon,” ayon kay Sen. Gregorio Honasan, na naunang nabigyan ng amnestiya sa panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos. Ernie Reyes

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply