Amnestiya sa nagkudeta, paano ang Morong 43?

NAGUGULUHAN ang mga puro ligal ang utak na miron sa amnestiya na iginawad ni Pangulong Noynoy sa mga nagkudetang sundalo sa panahon ni ex-President Arroyo.

Sabi nila, dapat umanong ma-convict muna ang mga sundalo, kabilang na sina Senador Tony Trillanes, Col. Ariel Querubin, Gen. Danilo Lim at iba pa, bago sila mabigyan ng amnestiya.

Kinapon daw ng Pangulo ang proseso at nangangamba silang baka may tutulad sa mga pinatawad at dadaanin ng mga ito sa kudeta ang paglalabas nila ng kanilang mga  hinaing  at  reklamo sa pamahalaan tutal andiyan naman ang amnestiya na iginagawad nang wala sa oras.

May rason ang mga ligal ang utak.

Kaya lang, sa tagal ng pag-usad ng katarungan sa mahal kong Pinas gaya ng mga kaso sa Ombudsman na kinasasangkutan ng mga Arroyo, wala na tuloy pag-asa na makamit ng mamamayan na katarungan sa tamang oras.

Isa pa, paano kung may dahilan  ang  mga  nagkudeta gaya ng sinasabi ni Lim na dapat labanan ng sinoman ang mang-aapi, kahit pa ang gobyerno kung ito na mismo ang mang-aapi?

Katanggap-tanggap ba sa mamamayan na parusahan ng gobyerno ang mga naninindigan laban sa malalim at malawak na katiwalian?

Mas mahalaga, paano kung ang amnestiya ang isang kasagutan para sa pambansang pagkakaisa at pagtutulungan  upang  mabago at umusad na mula sa kagipitan ang ating lipunan?

Para sa atin, may higit na dahilan ang administrasyong Aquino para hindi ito gaa-nong magpatali sa mga ligal na utak ng ilan na kaya namang kontrahin ng ibang ligal din ang utak.

Magandang tingnan kung may maibubunga na maganda ang amnestiya.

oOo

Mayroon lang katanungan kay PNoy.

Bakit napakalambot nito sa mga sundalo samantalang nagmukha siyang tigasin sa katulad ng kaso ng Morong 43?

Bakit nga ba, bosing?

Inakusahan ng mga mili-tar ang mga bumubuo ng Morong 43 na aktibista o komunista at hanggang ngayon ay nakabilanggo ang mga ito.

Kung talagang gusto umano ni PNoy na muling magkaisa ang lahat, bakit hindi nito bigyan ng luwag ang mga political prisoner na kagaya ng Morong 43?

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333. Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph. Benny Antipoda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply