Andal Ampatuan Jr. idiniin ng magsasaka

IDINIIN ng isang magsasaka na si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. ang nag-utos na barilin at pagpapatayin bago dalhin sa kabundukan ang 57 sibilyan sa lalawigan ng Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23 noong nakaraang taon.

Tahasang sinabi ng testigong si Akmad Abubakar Ismael, residente ng Sitio Masalay, na may tatlong metro lamang ang kanyang layo mula sa lugar na pinangyarihan ng massacre.

Si Ismael ang ikatlong testigong isinalang ng prosecutor sa Maguindanao Massacre trial na ginanap sa BJMP sa Camp Bagong Diwa, Taguig City kahapon ng umaga.

Inilarawan ng taga-usig si Ismael na “supernova witness” dahil nakita nito mismo ang aktwal na brutal na pagpatay sa mga biktima. Aniya, nasaksihan niya ang pagbaril sa mga biktima.

Gayundin ay natanaw niya si Ampatuan na nag-uutos sa mga kasapi ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) at pulis na ibaba sa sasakyan ang mga biktima bago ito pinagbabaril.

Nagtatakbo si Ismael at nagtago may 400 metro ang layo mula sa pinangyarihan ng krimen.

Tatlo sa mga salarin sa massacre na nakasuot ng fatigue ang umano’y humabol sa kanya habang siya’y tumatakbo hawak ang tali ng kalabaw.

Nang makalapit sa kanya ang mga ito ay pinagbantaan siyang babarilin kung babalik pa siya sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Sa tindi ng takot, minabuti ni Ismael na lisanin noon din ang sitio na kanyang tinitirhan.

Habang nasa witness stand, tahasang itinuro ni Ismael ang larawan ni Ampatuan na iprinisinta ng prosekusyon.

Samantala, hindi napigilan ni Mrs. Myrna Reblando, vice chairman ng Justice Now Movement at kaanak ni Bong Reblando na biktima sa Maguindanao massacre, ang kanyang emosyon habang nagpapatuloy ang pagdinig ng multiple murder case.

“Bakit ninyo sila pinatay?” pasigaw na tanong ni Reblando, na agad namang inawat at dinala ng kanyang abogado sa labas ng korte upang pakalmahin.  Johnny F. Arasga

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply