Ang katotohanan sa RH Bill

TILA lumalabo ang tsansa na maipasa bago matapos ang 15th Congress ang kontrobersiyal na panukalang “Reproductive Health and Population and Development Act of 2010 na akda ni Cong. Edcel Lagman.

Tutol ang Simbahang Katoliko sa panukalang ito, dahil mapaniil umano ang RH bill na kontrolin ang populasyon sa iligal na paraan.

Naninindigan naman ang pahalaan sa pangunguna ni Pangulong Noynoy Aquino, na suportado nito ang RH bill at naniniwala na  ang mag-asawa ang maituturing na ‘ultimate decision maker’ para sa ‘responsible parenthood’.  Sila ang may karapatan na magdesisyon kung ilan ang nais nilang maging bilang ng anak.

Para sa mga walang panahon na basahin ang kabuuan ng RH bill, ipinaliwanag ng Philippine Legislators Committee on Population and Development (PLCPD), pangunahing tagapagtaguyod ng panukala, ang mga kaalaman ukol sa panukala.

Naririto ang ilang mga sagot sa kontrobersiyal na mga tanong ukol sa RH bill:

Ano nga ba ang Reproductive Health (RH)?

Ang RH ay tumutukoy sa pangkalahatang kalusugang pisikal, pangkaisipan at panlipunan, na may kinalaman sa reproductive system, paraan at proseso nito.  Nakapaloob dito ang karapatan ng mga tao na magkaroon ng kaalaman at kakayahang mamili ng nais nilang paraan ng pagpaplano ng pamilya na naaayon sa batas, ligtas, epektibo at abot-kaya. Sinisiguro rin nito ang mga serbisyong pangalusugan na magsisiguro sa ligtas na pagbubuntis at panganganak ng mga kababaihan.

Ang Reproductive Health Bill

Ang Reproductive Health Bill ay isang panukalang batas sa Kongreso na naglalayong magbigay ng serbisyong pangreproduktibo  para sa lahat.
Kung maisasabatas, ipag-uutos nitong magtakda ang estado ng pangkalahatang pondo upang maipatupad ang isang pambansang programang pangreporduktibo, kabilang ang family planning o pagpaplano ng pamilya, para sa mga mag-asawa lalo na ang mahihirap. Kabilang dito ang kakayahang makagamit ng mga kontraseptibo na makatutulong sa pag-aagwat ng mga anak. Nais din ng panukalang batas na bigyan ang mga mag-asawa ng angkop na impormasyon ukol sa mga paraan ng pagpaplano ng pamilya na ligtas, epektibo, at abot-kaya. Sa ngayon, tanging ang mga may pambili ng kontraseptibo lamang ang epektibong nakapagpaplano ng kanilang pamilya.

Bakit kailangan ng RH Bill

Upang siguruhin ang ‘sustainable’ at responsableng pagbibigay ng serbisyo at impormasyong pangreproduktibo sa mga Pilipino. Ang isang programa o proyektong sinimulan ng isang administrasyon ay maaaring hindi ituloy ng susunod dito. Bukod dito, ang mga lokal na opisyal ay nasa posisyon lamang sa loob ng tatlong taon at maaaring pag-alis nila ay mawala rin ang mga inumpisahan nila.

Layunin ba ng RH bill na kontrolin ang populasyon?

Hindi.  Layon ng RH bill  na magkaroon ng population development o pagpapaunlad ng populasyon. Ang pagkontrol ng populasyon ay nangangahulugan ng paggamit ng pwersa o sapilitang pagpapagamit ng mga polisiyang pangpopulasyon na labag sa mga kagustuhan ng mga tao.

Layunin ng population development na tulungan ang mga mag-asawa na maabot ang nais nilang laki ng pamilya habang isinasaalang-alang ang kalusugan ng ina at anak. Pinipigilan din nito ang maagang pagbubuntis ng kabataan at bigyan ng kakayahan ang pamahalaan na maabot ang isang balanseng distribusyon ng populasyon.

Isinusulong ba ng RH bill ang pre-marital sex at pagiging mapangahas ng kabataan sa pagtatalik?

Hindi.  Ayon sa pag-aaral ng na isinagawa ng Joint United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS), ang kabataang naturuan ukol sa kanilang sariling sekswalidad ay mas nagiging maingat sa mga bagay na may kinalaman sa sex ayon sa isang pag-aaral.

Layunin ba ng RH bill na isaligal ang aborsyon?

Hindi.  Malinaw na isinasaad sa RH bill ang pagiging labag sa batas ng aborsyon.  Nilalayon nito na tiyakin na ang mga kababaihang mangangailangan ng kalinga para sa  komplikasyon na may kinalaman sa aborsiyon ay tatratuhing makatao at hindi mapanghusga.

Layunin ban g RH bill na isulong ang paggamit ng mga kontraseptibong nagdudulot ng aborsiyon?

Ang mga kontraseptibo ay naglalayong maiwasan ang mga kaso ng aborsiyon na dulot ng hindi planadong pagbubuntis.  Lahat ng modernong kontraseptibo ay ginagamit upang maiwasan ang obulasyon at pigilan ang magkaroon ng ‘fertilization’.  Halimbawa nito ang pills at injectables ay may mga sangkap na estrogen at progestin na hindi magiging sanhi ng aborsiyon kung iinumin ng isang buntis.  Lahat ng kontraseptibo ay magiging epektibo kung gagamitin ng maayos. Kinakailangan lamang na mamili ang mag-asawa ng pamamaraang angkop sa kanila, alinsunod sa kanilang kalusugan at nais na bilang ng mga anak.

Ano ang pwedeng maitulong ng isang mapagmalasakit na mamamayan upang maisabatas ang RH bill?

Maaaring gawin ang mga sumusunod:

1.      Sumulat sa inyong mgakongresman at senador.  Hilingin ang kanilang suporta sa RH bill.

2.      Magsagawa ng signature campaign sa inyong lugar upang palawakin ang suporta sa RH bill.

3.      Sumama sa mga gawain at pagpupulong sa inyong lugar ukol sa pagsuporta sa RH bill.

4.      Tumulong sa pagpapakalat ng kaalaman at pag-unawa ukol sa RH bill sa pamamagitan ng pagpapaliwanag nito sa mga kasambahay, kaibigan, at kabit-bahay, lalo na sa mga kababaihan at kabataan.

RH Bill aasahan sa plenaryo sa Disyembre-Pia

Sisikapin ni Sen.  Pia S. Cayetano na dalhin sa Senate floor ang kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) bill upang pagdebatehan sa darating na Disyembre.

Sa unang pagdinig ng RH bill ng Committee on Health and Demography sa pangunguana ni Cayetano,  dumalo ang  40 resource speakers mula sa grupo ng “pro-life” at “pro-choice.”

Layunin nito na maabot ang pangako ng Pilipinas sa 2015 na malunasan o maibsan ang bilang ng mga inang namamatay sa panganganak maging ang sanggol bilang bahagi ng Millenium Development Goals (MDG)

Hindi naiwasan na uminit ang usapan lalo na’t humirit si Atty.  Dionisio Garciano ng “pro-life” Alliance for the Family Foundation. Ayon sa kanya, “ there was no such thing as an “unwanted pregnancy” among women, this was better referred to as “paranoid pregnancy.”

Magkasalungat din ang panig ni Eric Manalang ng Pro-Life Philippines Foundation at Benjamin De Leon of the Forum for Family Planning and Development. Ayon kay Manalang, hindi siya pabor sa  artificial contraceptives. Napatunayan na aniya ang natural family planning methods na 99.9% accurate.na sinalungat  naman ni De Leon. Sinabi ni De Leon na 0.1% accurate lamang ang natural family planning kumpara sa modern contraceptives.

Matapos ang pagdinig, sinabi ni Cayetano na tatalakayin sa mga susunod na pagdinig ang iba’t ibang components tulad ng ‘achieving the MDGs, people’s access to health care, family planning and government’s role, sex education, gender issues,’ maging ang economic aspects ng reproductive health.

Bukas din si Cayetano na magkaroon ng hiwalay na diskusyon sa constitutional issues laban sa SBN 2378 na inihain nina Senador Joey Lina at Francisco  Tatad.

“I’d like to think of this as part of the ‘birth pains’ in coming up with an RH measure because many of the issues are admittedly very contentious and controversial. The intention is not to delay or prolong it, but to go through the normal course to get all the information we can gather from the various resource persons. This will prepare us ahead for the plenary debates,” ayon pa kay  Cayetano. Linda Bohol

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply