Athletes, officials tatanggap ng $300 allowances sa Asian Games

Pantay!

MAHABA man o maiksi ang laban, pagdating sa allowances pantay ang bawat isa walang lalamang.

Sa ganitong usapin napagkasunduan ng joint Asian Games Task Force ng Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC) ang pagbibigay ng $300 allowances para sa lahat ng miyembro ng Philippine delegation sa Asian Games na gaganapin sa Nov. 12-27 sa Guangzhou, China.

“Kahit ilang araw ang schedule ng laban, bawat isang miyembro ng delegation ay tatanggap ng $300. Ito na ang napagkasunduan namin para mabigyan ang lahat ng sapat na allowances,” ayon kay Asiad Task Force  co-chairman Joey Romasanta.

Iginiit din ni Romasanta, Chief de Mission din ng Asiad delegation, na maging ang mga kasamang opisyal – coaches, trainors, at technical officials – ay tatanggap din ng parehong halaga ng allowances.

“Made-demoralized lang ang ating mga atleta kung babasehan natin kung ilang araw ang schedule ng laban nila. Kung pareho-pareho ang matatanggap ng bawat isa  walang malalamangan,’ ani Romasanta.

May kabuuang 190 atleta at 30 opisyal ang bubuo sa RP delegation na sasabak sa Asian Game.

Target ng delegasyon na mapantayan o malagpasan ang apat na ginto, anim na silver at siyam na bronze medal na napagwagian ng atletang Pinoy noong 2006 Asiad sa Doha, Qatar.

Sinabi rin ni Romasanta na inaayos na ang flight schedule ng delegasyon at inaasahang makukuha ang pinal na ‘itinerary’ sa pakikipagpulong ng POC sa PSC officials sa Huwebes.

Ayon kay PSC commissioner Chito Loyzaga, tumatayong officer-in-charge, bunsod nang pagbyahe ni PSC chairman Richie Garcia sa Acapulco, Mexico para dumalo sa Associations of National Olympic Committees (ANPC) meeting, na nagbigay na ang Cebu Pacific ng inisyal na schedule ng mga byahe ng mga atleta.

“Ang importante, sapat ang bilang ng ating mga atleta na makadadalo sa opening parade. So far, so good. May ilang isyu na lang na kailangang ma-finalize,” sambit ni Loyzaga.

Iginiit ni Romasanta na may sinusunod na programa ang POC pagdating sa schedule flights ng mga atleta.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply