Awayang Toni at Mariel, gusto nang maghilom ng mga Gonzaga

NGAYON pa man ay nais na ng pamilya Gonzaga na maghilom na ang sugat sa puso at isip ni Toni Gonzaga na nilikha ng sigalot nina Toni at Mariel Rodriguez.

Ito ang isinumpa ni Ginoong Carlito “Bonoy” Gonzaga, ang ama ni Toni.

“Sana, mag-heal na ang lahat,” panaghoy ni Mang Bonoy, isang konsehal ng Taytay, Rizal sa pagharap ng mga kandidata ng Mrs. Taytay 2010 kung saan ito ay sinusuportahan ng pulitiko.

Sinabi ni Mang Carlito na batid niyang hindi maganda ang lagay ng samahan ng kanyang anak at ni Mariel pero anya’y ang dahilan nito ay hindi niya alam.

Itinanggi niyang ang ugat ng hidwaan nina Rodriguez at ng kanyang anak ay dahil sa pagkawala ng tambalan sa pelikula nina Toni at Robin Padilla.

“Alam mo na naman na sinabi ni Toni na everything isn’t well sa kanila ni Mariel kaya nasasaktan ang anak ko. Pero dahil nga magulang ako, gusto kong ma-solve na ang lahat,” panalangin ni Ginoong Gonzaga.

***

Araw-araw ay nagkikita sila ni Toni bagamat pag-uwi ng dalaga mula sa trabaho ay ang ina nito ang kanyang pinagsasabihan ng lahat.

“Ako, pag napunta sa kuwarto niya at nando’n ang nanay niya, naririnig ko ang usapan nila. Pag hindi siyempre maganda ang kuwento ni Toni, nagagalit at hindi rin maganda para sa kanyang ina.

“Ako naman, bilang isang lalaki, napipigil ko ang emosyon ko pero ang mga babae, hindi nila mapigil ang kanilang emosyon. Lumalabas na láng ako ng kuwarto nila at sila na láng ang bahala.

“Pinapayuhan na láng namin si Toni. Nakikinig naman ang batang ‘yan. Mabait ‘yan,” papuri ng ama sa anak.

Aminado si Mang Bonoy na bago pa lumala ang tampuhan nina Toni at Mariel ay lagi sa kanilang bahay si Rodriguez.

***

Samantala, sinabi ng konsehal na ang tahanan ang kanlungan ni Toni at lalo pang panatag ang bituin nang makalipat na ito sa ibang bahay na malapit din sa kanilang orihinal na tinirhan sa pusod ng bayan ng Taytay.

“Kaya kasi lumipat si Toni sa Richmond ay dahil sa maraming fans ang nambabato ng bahay namin sa bayan. May doorbell nang doorbell nang sunud-sunod. Nakakaistorbo kaya para maiwasan ang gulo, lumipat na si Toni pero kami ay magkakasama pa rin,” kuwento ni Mang Carlito.

Suportado nang maige ng ama ang career ng anak tulad ng pagsuporta niya sa Mrs. Taytay 2010 kung saan sinabi ni Mang Bonoy na kung ang isang babae o misis ay laging  maganda, postura at malinis tulad ng mga sumasali sa mga timpalak kagandahan, mas malamang kaysa hindi ay laging buo ang pamilya.

***

Masama ang loob ni Dan Alvaro sa pelikulang “Tarima” na pinagbibidahan ni Fanny Serrano sa direksyon ni Neal “Buboy” Tan.

Ayon kay Dan, alam naman ng produksyon na siya ay kasama sa pelikula pero ang nakarating sa kanyang ulat ay wala man láng siya sa credits ng obra.

Ito naman ay isang bagay na hindi namin mapaniwalaan dahil si Alvaro ay isang malaking artista at hindi mababalewala ang ambag sa anumang proyekto.

Bagamat hindi pa rin napapanood ni Dan ang pelikula niya ay naniwala agad siya sa sabi-sabi.

***

Ikinararangal naman ng mga Galura, ang tunay na apelyido ni Dan—Rolando  Galura ang tunay na pangalan ng actor—ang magandang kinahihinatnan ng career ni Glaiza de Castro na pamangkin ni Alvaro.

Kapatid ni Dan ang ama ni Glaiza.

“Masaya ako para sa pamangkin ko. Ang layo na ng kanyang nararating. Inaalagaan talaga siya nang todo ng GMA Network,” pahayag ni Dan.

Hindi pa nawawala kay de Castro ang kanyang pagiging bata dahil alam ba ninyong nakikipaglaro pa ito sa mga anak na batang babae ni Dan?

“Close na close sila ng mga anak ko. Kasi, ganyan ang mga Galura, malalapit sa isa’t isa,” sabi ni Dan.

***

Nagdiriwang sina Joel Lamangan, Armida Siguion-Reyna, ang mga senador ng bayan na sina Jinggoy Estrada at Ramon “Bong” Revilla, Jr. dahil nagtagumpay sila na si Mary Grace Poe-Llamanzares ang itinalagang tagapangulo ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ng sensitibong puwesto ng Movie and Television Review and Classification Board kamakailan.

Nawala na sa posisyon si Maria Consoliza Laguardia pero malakas ang bulung-bulungan na ililipat sa ibang kapangyarihan sa pamahalaan ang dating MTRCB chair.

Ang pangalawang tagapangulo ng MTRCB ay ang batikang direktor sa pelikula na si Emmanuel H. Borlaza. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply