Ayudante, kroni ni PNoy kakasuhan sa jueteng

HINILING  ni Sen. Edgardo Angara sa Senate Blue Ribbon Committee na kaagad tapusin ang imbestigasyon sa jueteng upang makasuhan kaagad kung sinuman ang sangkot sa mga opisyal  at hinihinalang kroni ni Pangulong Aquino.

Sa ipinalabas na pahayag, sinabi ni Angara na kailangan nang magkaroon ng resulta ang imbestigasyon ng Senado sa jueteng upang maihain na kaagad sa publiko ang anumang resulta nito.

Ayon sa senador, sakaling mapatunayang sangkot sa ganitong katiwalian ang ilang matataas na opisyal ng administrasyon, nararapat lamang ang patawan ng kaukulang parusa at papanagutin sa pagkakasala.

“Palagay ko, kailangang tapusin ng Senado ang imbestigasyon (sa jueteng) sa lalong madaling panahon. Walang sinumang may gusto na mauwi ito sa wala sapagkat malaking usapin ito,” ani Angara, Vice-Chair ng Senate Committee on Finance.

Isinangkot sa jueteng sina DILG Undersecretary Rico Puno, dating PNP chief Director-General Jesus Versoza, Ilocos Sur Gov. Chavit Singson, Atong Ang, Rodolfo “Bong” Pineda, Baguio City Mayor Mauricio Domogan, Pangasinan Gov, Gerry Espino at ilan pang opisyal ng Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO) at Games and Amusement Board.

Pinabulaanan ng nabanggit na opisyal na may kinalaman sila sa jueteng na siyang binanggit ni Sen. Miriam Defensor Santiago sa kanyang privilege speech kamakailan at ibinulgar ni Archbishop Oscar Cruz.

Naunang inamin ni Puno sa komite na nagpadala ng emisaryo sa kanyang tanggapan si Pineda, kilalang jueteng king sa Central Luzon ngunit ayaw banggitin o nakalimutan umano niya ang pangalan ng emisaryo.

Umaabot naman sa mahigit P300M kada buwan ang koleksiyon ng jueteng sa lalawigan ng Pampanga gamit ang papelitos ng Small Town Lottery (STL) ng mga kubrador ni Pineda.

Kinumpirma rin ni Angara na kailangang amendahan ang ilang probisyong sa Anti-Money Laundering Act o AMLA. Isa umano sa mga probisyong ito ang dahilan kung bakit nag-aatubili ang mga alagad ng batas na arestuhin ang mga sangkot sa ganitong uri ng kaso.

Dahil din aniya sa bigat ng akusasyon, partikular sa mga kilalang opisyal ng gobyerno, kapulisan at iba pang kilalang personalidad, napakahirap gawing solido ang kaso laban sa mga ito.  Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply