Barangay chairman, election officer itinumba

HABANG papalapit  ang nakatakdang October 25 synchronized Barangay at Sangguniang Kabataan election ay patuloy ang paglobo ng election related  violence nang itala ang pagpatay sa isang barangay chairman sa Sultan Kudarat at isang election officer sa  Basilan matapos silang pagbabarilin kamakalawa ng gabi, sa ulat ng Philippine National Police kahapon.

Ayon kay PNP Spokesman P/Sr. Supt. Agrimero Cruz, dakong alas 6:10 ng gabi ay binaril ng mga armadong suspek si Chairman Romeo A. Sombreto sa Barangay Pimbalayan, Lambayong, Sultan Kudarat.

Samantala, patay na rin nang madala sa hospital ang election officer na si Entong Musa ng bayan ng Tuburan sa Basilan sanhi ng tatlong tama ng hindi pa nabatid na kalibre ng baril.

Naglalakad umano ang biktima sa Barangay San Rafael nang barilin ng mga hindi pa natukoy na armado kamakalawa ng gabi.

Hinihinala ng mga imbestigador na kapwa may kaugnayan sa nalalapit na barangay election ang motibo sa dalawang kaso ng pamamaslang.

Kaugnay pa nito, bunsod umano sa presensiya ng mga armadong grupo at bandidong Abu Sayyaf ay inirekomenda ng pulisya sa Basilan ang pagsasailalim sa Comelec watchlist ng umaabot sa 89 barangay sa nasabing lalawigan.

Sa impormasyong naka-rating sa Camp Crame mula kay Basilan Police Provincial Director S/Supt. Cristeto Rey Gonzalodo, batay sa kanilang monitoring, may mga nadiskubre silang partisan armed groups na konektado sa Abu Sayyaf na nag-o-operate sa lalawigan kung kaya’t gusto nilang ilagay sa Comelec control ang mga nasabing barangay.

Sa kasalukuyan, mahigpit ding ipinatutupad ng pulisya at First Marine Brigade ang Comelec total gun ban at nagsagawa rin sila ng mobile at fix checkpoints sa ibat-ibang lugar. Verlin Ruiz/Evelyn Garcia

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply