Busisiin ang PNP security handbook for journalists

MASAYA umano ang mga pulis sa paglalabas ng isang gabay ng mga pulis sa mga journalist.

Ang sabi, para na rin umano sa proteksyon ng mediamen ang handbook at kung susundin umano ito ng mediamen, hindi malalagay sa alanganin ang mga ito.

At kanilang isasakatuparan umano ang lahat ng kautusang nilalaman ng handbook para hindi mapahamak ang mediamen at magampanan na rin nila ang kanilang tungkulin.

Kaya lang, nasaan ang handbook? Higit pa, bakit hindi man lang kinonsulta ng mga pulis ang mediamen bago sila naglabas ng handbook patakaran nila?

Ano ang dahilan at ni hindi man lang sila komunsulta sa nasasakop ng kanilang patakaran? Mayroon ba silang itinatago at gusto nilang babalik sa martial law style ang lahat ng patakaran nila sa mediamen?

Ang magandang gawin ng mga pulis ay bigyan nila ng kopya ang lahat ng mga organisasyon ng mediamen para masuri ang lahat ng nilalaman nito.

Kung magiging okey ang lahat at pabor sa kalayaang pamamahayag at para maiwasan ang pamamaslang sa mga mamamahayag, very good yan.

Pero paano kung naglalaman ang handbook ng paninikil sa nasabing kalayaan?

Paano kung ang baril ng mga pulis ay sa bunganga ng mediamen nakatutok kung hindi sila sumunod sa patakaran?

Paano kung ididikta na lang ng mga pulis ang lahat ng gagawin ng mga mamamahayag at hindi na makadiskarte ang mga ito para mapabuti ang pagbabalita nila ng mga pangyayari sa sambayanan?

Ito ngayon ang masasabi natin hangga’t di nasusuri ang handbook. Hindi dapat na sumunod ang mediamen sa lahat ng mga ipag-uutos ng mga pulis sa handbook.

Kung ibubukas nila ang handbook sa mediamen, dapat na nakapaloob diyan ang karapatan ng mediamen na bumusisi at magpanukala ng mga bagay-bagay na ikauunlad at higit na proteksyon ng karapatan sa pamamahayag at proteksyon na rin ng mediamen mula sa mga utak pulbura at martial law na mga pulis.

Hangga’t hindi nagaganap ang lahat ng ito, asahan ng mga pulis na hindi basta susunod ang mediamen sa kanilang mga “gabay” o “pag-uutos.”

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333. Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph Benny Antiporda

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply