Chiz: Si Deles, hindi ako, ang naging tuta ni GMA

BINUWELTAHAN ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang pasaring ni Presidential Peace Adviser Teresita Deles, na nagpahayag na sinisiraan siya ng senador dahil naging kaalyado ito ni dating Pangulong  Gloria Macapagal Arroyo.

Ayon kay Escudero, kailangang balikan ni Deles ang kanyang nakaraan dahil minsan na siyang naging sipsip sa Arroyo administration noong kasagsagan nang pakikipag-usap ng pamahalaan sa rebeldeng Muslim.

“Excuse me but I am not (an ally of Arroyo)… (I) was already with opposition when she was still in the employ of GMA,” patutsada ng senador.

Matatandaang naging tauhan ni dating Pangulong Arroyo, na ngayon ay kongresista na ng Pampanga, si Deles bago ito tumiwalag kasama ang ibang miyembro ng Gabinete.

Sinabi ni Escudero na imbes na maging tagapamayapa  ng gobyerno, nagiging pasimuno pa ng gulo ngayon ni Deles nang madagdagan ang kalaban nito sa Kongreso.

“Kung dati, sa mga kongresista lamang siya may atraso, ngayon sa akin na rin,” ayon kay Escudero.

Hindi nagustuhan ni Escudero ang pahayag ni Deles na si Arroyo ang nasa likod ng mga kilos laban sa kanya.

Labis na ikinairita ng senador ang huling pahayag ni Deles dahil pati na siya ay hagip ng malilikot na dila ng huli dahil kabilang siya sa mga pumuna sa ginawa nito sa Kamara.

Binigyang-diin ni Escudero na kahit kalian ay hindi siya naging tao ng dating Pangulo ngunit minsan nang naging sipsip si Deles  kay Arroyo.

Imbes na magturo ng ibang tao, sinabi ni Escudero na mas makabubuting akuin na lamang ni Deles ang kanyang pagkakamali.

“I think she should stop passing the buck and finger-pointing and just own up to her mistakes,” giit ni Escudero. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply