Dayaan sa barangay polls, manmanan

HULI nating natalakay ang tungkol sa dayaan sa eleksyon na walang pinipili kahit dito sa papalapit na  barangay elections.

Sa bawat dayaan sa halalan, lalo pa’t manual elections ang gagawin ngayon, huwag na tayong magdalawang-isip pa. Bantayan natin ang mga miyembro ng BEI (Board of Election Inspectors) na itinalaga ng Commission on Elections (o COMMISSIONS from Elections?)

Nitong huli, nabanggit ko na ang dalawa – tulad ng ipinamimigay na pagkaing naka-styro box sa miyembro ng BEI (Board of Election Inspectors) na pawang kargado ng mga balotang pabor sa “suking” kandidato at ang pangalawa, ay tungkol sa numero ng mga botante (sang-ayon sa official voters’ list) na hindi pa nakaboboto na posibleng gamiting “voting slot” ng mga “flying voters” ng mga tulisang kandidato.

Paano matutukoy ng kampo ng mga kandidato kung di pa nakaboboto ang kanilang mga constituents?

Simple lang. Inspeksyunin n’yo – kung pupuwede — ang talaan na hawak ng BEIs.

Ang pangatlong dapat bantayan ng mga supporter ng mga kandidato ay ang mismong partisipasyon ng mga alagad ng mga “tulisang” kandidato na walang gagawin kundi ang mag-abang sa labas ng polling precincts sa mga papasok na lehitimong botante.

Dito na ginagawa ‘yung “vote-buying” – na dahil sa konting halaga ay napapariwa ang kinabukasan ng voting public.

Hindi lang basta ordinaryong “vote-buying” ang istilo. Timbrado na ito sa mga tulisang BEIs. Paano?

Simple lang. Sasalubungin ng mga tauhan ng tulisang kandidato ang mga botanteng papasok sa polling precincts kung saan sila aalukan ng bayad kapalit ng pagsusumite ng mga pekeng balota na kargado ng pangalan ng mga matitinong kandidato.

Ang mga pekeng balota na ito ang ibibilin na isilid sa ballot boxes habang ang tunay na mga balota na mawawalang-silbi ang ihahabilin ng mga ungas na i-surrender sa kampo ng tulisang kandidato para bayaran sa halagang P500 pataas.

Kung paano gagawin iyan ng isang botante ay napakadali at walang kaakibat na panganib kaya’t kalimitan ay madaling mabili o mabenta ang boto.

Sa kampo naman ng mga tulisang kandidato, bawat natanggap o nabiling opisyal na balota ay kakargahan o susulatan nila ng mga pangalan ng kanilang mga kandidato.

Natural!

Ito ang direktang ipinasusuong o ipinapahulog nila sa ballot boxes sa mga nagbenta ng boto kada polling precincts.

Paulit-ulit gagawin ang ganitong operasyon hanggang sa sumapit ang takdang oras ng botohan. Karaniwan nang nakatimbre ang ganitong klase ng pandaraya sa eleksyon.

Kaya nga maraming talunang kandidato ang nagtataka kung bakit may mga spoiled ballots sila o pekeng balota pagdating ng bilangan!

Nagaganap ang lahat ng iyan pagkatapos lang ng maikling oras ng tanghalian.

Tandaan n’yo ito, mga kandidato! Kaya huwag kayong tutulog-tulog sa pansitan!

* * *
Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.comat malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply