Di pa man nakukulong: Patrick dela Rosa, nagkukuwento na tungkol sa bilangguan

ISA NGA bang pahimakas o primonisyon ang pagsasalita ni Patrick de la Rosa ng pagkakakulong nang siya ay manumpa kay Ramon “Bong” Revilla, Jr., isa sa mga senador ng bayan, sa opisyal na induction ng Katipunan ng mga Artistang Pilipino sa Pelikula at Telebisyon, Inc. o KAPPT kamakailan?

Kasi nga ay handang makulong si Patrick makamtan lang niya anya ang pag-ibig o pagmamahal ng baguhang aktres na si Aimee Hart na panauhin noong oathtaking ng mga opisyales ng Actors Guild?

Ayon kay Zeny Marcelo-Poe, ang balo ni Conrad Poe, ipinakilala niya si de la Rosa kay Aimee, isang mestiza, labinlimang taong gulang at may tangkad na 5’9” at handang magpalaot sa showbiz.

“Aba, nagandahan si Patrick. Sabi ba naman sa akin, e, ‘Tita Zeny, kahit mabilanggo ako, okey lang basta’t para kay Aimee,” pahayag ni Marcelo-Poe.

***

Pero siyempre’y iba si Hart sa babaing nagkaso ng panggagahasa sa bituin kamakailan.

Gandang-ganda lang ang pulitikong aktor kay Aimee at gagawin nito ani Zeny ang lahat para makamtan lang ang langit ng batambatang aktres.

“Ngayon, si Patrick ay nakademanda ng rape at sa isang mas bata rin sa kanya,” pahayag ni Zeny.

Nagreklamo ang isang babae na taga-Quezon City noong isang linggo na ginahasa siya ng bokal ng Mindoro sa isang condo sa Lunsod ng Quezon.

Nagkainuman sila anang babae nina Patrick at pagkagising nila ay hubo’t hubad na siya at ang aktor.

Nagsuplong ang babae at naghain ng asunto.

Hinuli ng mga may kapangyarihan si de la Rosa at ikinulong dahil walang piyansa ang ganitong kaso sa Pilipinas.

***

Masamang pangitain nga ba ang sinabi ni Patrick kay Zeny? “Hangang-hanga talaga sila kay Aimee at ewan ko ba kay Patrick, paulit-ulit niyang sinasabi na gusto niya si Aimee,” kuwento pa ni Marcelo-Poe.

Kahit na si Phillip Salvador ay nagayuma rin ng kariktan ni Hart at nabigyan agad ng presidente ng KAPPT ng trabaho nang kumanta ang dalagita sa isang okasyon ng Vice-Mayors League of the Philippines sa Diamond Hotel kamakailan.

Nandoon din si Bong at mukhang nagandahan din sa bagita.

Ito nga kaya ang karma ni de la Rosa?

Matatandaan na siya ay nagpakasal sa anak na babae ng sikat at kontrobersyal na abugado na si Estelito Mendoza pero naghiwalay rin ang mag-asawa pagkatapos ng ilang taon na nagkaanak sila.

***

Sinabi ni Zeny na kung hindi dahil sa kanyang asawa ay muntik nang mawala sa mundo si Patrick.

Nang dahil sa pakiusap ni Conrad sa mga nais magparusa kay Patrick, sinabi ni Marcelo-Poe na ang kanyang mister ang nag-ayos ng lahat.

“Sabi ni Conrad, siya ang lumakad na ibalato na lang sa kanya si Patrick. Tapos, ngayon, nandito si Patrick at nakakulong, may kaso ng rape. Ano ba ‘yan? Hindi kasi nag-iisip,” panghihinayang ni Marcelo-Poe.

Pagkatapos na makipaghiwalay ni de la Rosa sa anak ni Mendoza ay nagkaroon pa siya ng ibang pag-ibig.

Pinakahuli niyang naka-live in ang batang aktres na si Kookoo Gonzales na naging StarBrighter ng pamosong talent manager at PRO pero ngayon ay sadsad na sa palad ng buhay na si Boy C. de Guia mula sa kanyang TV show na “StarBrighters.”

May mga anak si Patrick kay Kookoo.

***

Samantala, ayon sa mga saksi, parang hindi seryoso ang babaing nagsampa ng kaso kay Patrick.

Pagkatapos umanong makapaghain ng sumbong ay nakitang nag-malling.

Gayunman, pursigido itong ituloy ang laban.

Si de la Rosa naman ay tumangging makunan ng mga TV camera habang nakakulong sa isa sa mga presinto sa lungsod.

Nakausap naman ng aktor ang kanyang drayber na nagsabing hindi niya lalayuan ang kanyang amo at ipagtatanggol hanggang sa huling sandali.

***

Samantala, pormal nang itinalaga ni Pangulong Noynoy Aquino III si Mary Grace Poe-Llamanzares bilang tagapangulo ng Movie and Television Review and Classification Board kapalit ni Maria Consoliza Laguardia.

Sa Malacañang ginawa ang panunumpa pero wala si Mary Grace sa Pilipinas dahil nasa ibang bansa ito kasama ang inang si Susan Roces.

Nag-iisang anak nina Fernando Poe, Jr. at Susan si Poe-Llamanzares.

Ang itinalagang pangalawang tagapangulo ng MTRCB ay si Emmanuel H. Borlaza, ang premyadong direktor.

Maliligayahan na sina Armida Siguion-Reyna, Joel Lamangan, Revilla at ang isa pang senador ng bayan na si Jinggoy Estrada dahil sila ang nag-endorso kay Mary Grace para maging tagapangulo ng sensura ng bansa. Boy Villasanta

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply