Distressed

KADALASANG pumapasok sa imahinasyon natin kapag sinasabing “distressed OFWs” ang mga kabayang nakakulong at humihimas ng malamig na rehas na bakal, o kaya’y mga babaing nakayuko at naghihinagpis sa inabot na pang-aabuso.

Para sa mga nasa ibayong dagat naman, ang “distressed OFWs” e yung may mga problemang legal (o ilegal) at nangangailangan ng tulong ng mga awtoridad.

Pero kung tutuusin, maituturing na “distressed” ang lahat ng OFWs o manggagawag Pinoy sa ibayong dagat ngayon dahil sa pagtaas ng halaga ng piso.

Kung hindi pa ninyo napapansin, maraming OFWs at pamilya nila ang umiiyak ngayon dahil kokonti na lang ang pwedeng bilhin sa perang dumarating dito sa Pinas. Mula sa P46 kada dolyar noong Enero, bumaba ang palitan sa mahigit P43 na lamang ngayon at inaasahang bababa pa ito sa P41 bago mag-Pasko.

Maraming ekonomista ang nagsasabing magandang bagay ang “paglakas” ng piso (o pagbaba ng palit ng piso) laban sa dolyar dahil magiging mura ang imported material para sa produksyon at bababa ang presyo ng bilihin dahil dito. Bababa rin syempre ang panlabas na utang natin.

Pero sa tunay na buhay, mga giliw na kababayan, hindi naman bumababa ang presyo ng bilihin, itanong nyo pa sa suki ninyong turo-turo o tindahan ng sari-sari. Hindi lamang OFWs ang nagrereklamo; nariyan din ang mga exporter na nalulugi dahil naging mura na rin ang produkto nila. Ang talagang nakikinabang lang ngayon e yung negosyo ng mga call center na wala namang nililikhang produkto kaya hindi maaasahan ang tibay.

At kung lumiit man ang halaga ng panlabas na utang natin, hindi naman natin ito nararamdaman. Ang nararamdaman natin e yung hindi nagbabagong lagay ng kabuhayan. At bago humalakhak sa tuwa ang mga pinuno ng bansa sa paglakas ng piso, dapat maintindihang umaasa ang ekonomiyang Pinoy sa remitans o padalang pera ni kabayan at siguradong maapektuhan ito. Kumakatok na sa pinto ang delubyo samantalang ang pangakong dayuhang puhunan e nananatiling pangako at walang kasiguruhan kung magkakatotoo.

Habang naghuhugas ako ng pinggan noong isang araw, napanood ko sa telebsiyon na hindi totoong lumalakas ang piso; humihina lang ang dolyar dahil sa pag-atake ng mga kalaban nitong pera, lalo na ng yuan ng Tsina. Kusang ibinababa ng Tsina ang pera nila para maging gwapo sa ibayong dagat ang mga produkto nilang siopao, pansit at electronics. At dahil mababa ang yuan – at alam naman natin kung gaano kamura ang mga produktong “made in China” – pati mga malalaking kumpanya sa Estados Unidos e lumilipat ng operasyon sa Tsina.

Para labanan ang “bagsak-presyong” atake ng Tsina, napipilitan ang US na pababain din ang dolyar. Kaso mukhang natatalo ito sa bakbakan.

Malaki kasi ang kalaban ng US, buong mundo. Magkaganun man, hindi pinakikinabangan ng Pinas ang pagkatalong ito ni Tiyo Samuel.

Sanggang dikit kasi sila. Salo sila sa pagkatalo pero solo ang US sa panalo.

Ganyan talaga ang buhay. Hernan Melencio

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply