Ex-StarBrighter Kookoo Gonzales, laging bisita ni Patrick dela Rosa sa selda

KAHIT  wala nang relasyon sina Patrick de la Rosa at Kookoo Gonzales ay ang batang aktres pa rin ang laging nagpapalubag ng loob ng aktor na nakakulong nang dahil sa kasong panggagahasa sa isang 20-anyos na kolehiyala.

Ayaw na ngang ipasulat pa ni Kookoo, ang isa sa mga sikat na Star Brighter noon ng pamosong TV host, PR manager at manunulat na si Boy C. de Guia sa TV show na “Star Brighters” sa ABS-CBN at Nation Broadcasting Network o NBN Channel 4, ang kanyang pagsaklolo kay Patrick ay dahil iniiwasan niyang maakusahan na sumasakay sa popularidad ng aktor at sa mga personal na alingasngas pero hindi talaga puwedeng ipagwalang-bahala ang kanyang pagmamahal kay de la Rosa dahil talagang iniaalay niya ang kanyang buhay.

Pero karapatan din ni Gonzales na maipakita kay Patrick ang kanyang pagkandili dahil marami at matagal din ang kanilang pinagsamahan.

***

Bukod sa dalawang tao na nakaistar sa may malapit sa presinto kung saan nakabilanggo si Patrick ay si Kookoo rin ang nagbabantay nang madalas sa bituin.

Kaya kahit anong oras nga naman ay maaasikaso ni Kookoo ang kanyang dating kasintahan.

Malapit lang ang bahay ng aktres sa kinaroroonan ni de la Rosa kaya walang problema.

Pagkagaling sa kanyang mga shoots, tapings, gigs at rehearsal sa banda ay dumadaan si  Kookoo sa kanyang dating katipan.

“Kilala na nga po ako ng mga tao ro’n sa presinto,” sabi ni Kookoo.

Talagang ang tunay na pag-ibig ay walang iniinda kahit na pagod o puyat para lang sa taong minamahal.

Hindi naniniwala si Gonzales na magagawa ni Patrick ang lahat na ibinibintang sa aktor.

***

Gaano katotoong isinugod kamakailan sa ospital si Dolphy dahil sa kanyang kalusugan bagamat halos madalas naman ay regular ang pagpapakonsulta ng komikero sa pagamutan?

Kaya lang ay nang mamatay si Metring David noong isang linggo ay nabalitaan ng pamilya ng komikera na nasa ospital ang Hari ng Komedya kaya hindi man lang nakasilip sa huling pagkakataon sa namaalam na kasamahan sa trabaho.

***

Ipinagdiwang ni Pilar Pilapil ang kanyang kaarawan sa isang simpleng pamamaraan kung saan kasalo lang niya sa espesyal na dinner ang kanyang mga mahal sa buhay at hindi mawawala si Pia Pilapil at ang kanyang mga anak.

Pagkatapos ng “Agua Bendita” ng ABS-CBN ay nagtungo sa Cebu si Pilar para makapiling din doon ang kanyang asawang si Pastor Bernie pero pagkatapos ng halos isang buwan ay nagbalik sa Maynila ang bituin para magsabog na naman ng kagandahan kahit na siya ay hindi na bumabata.

***

Nanood si Brillante Mendoza ng pelikulang “Mga Lihim ng Kalapati” ng FLT Films na idinirek pa ni Celso Ad. Castillo noong malapit nang matapos ang 1980s at pinangunahan ng seksing aktres na si Isadora.

Itinanghal muli ang pelikula sa Fully Booked U View sa Bonifacio High sa The Fort at nagbalik ang maraming alaala sa buhay ni Brillante nang siya ay production designer pa lang.

Napakaganda pala ng obra ni Celso at mahusay umakting si Isadora na nanood rin ng kanyang pagganap kahit na maugong ang balitang may penetration o pene siya sa pelikula.

“Naku, hindi totoo na may pene ako ro’n. Ang totoong nag-pene ako ay nang magkatambal kami ni Greggy Liwag. Nagawa ko ‘yon nang dahil sa pag-ibig. Boyfriend ko no’n si Greggy kaya nagawa ko otherwise, wala akong pene kay Sonny Parson,” paglilinaw ng maganda at seksi pa ring si Isadora na nagbabalik sa pelikulang “Ang Babae sa Sementeryo.”

Nasa screening din si Castillo, ang hanggang ngayon ay itinuturing na enfant terrible ng pelikulang Filipino. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply