GANTI (Ika-18 labas)

HIRAP sa pag-iimbestiga ang mga pulis sa pagkawala ni Krishna.

Wala kasi silang lead kung saan ito hahanapin or kung sino ang dumukot o sinamahan niya kaya siya nawawala.

Wala rin namang masabi ang kanyang pamilya.

“Nag-jogging lang siya kaninang umaga ay hindi na nagbalik.

May joggers pa ngang nakakita sa kanya sa plaza pero wala na silang masabi kung may sinamahan siyang tao o may dumukot sa kanya kaya siya nawala,” namumugto ang mga matang sabi ng ina ng dalaga.

Nagpaalam na ang mga pulis.

“Hindi kami titigil sa paghahanap. Once na nagkaroon ng development ang aming ginagawa, ipaaalam kaagad namin sa inyo,” sabi ng team leader at sumakay na sa mobile car.

Naiwan ang pamilya na nagsisisihan.

“Hindi natin siya dapat pinayagang mag-jogging na mag-isa,” sabi ng ama.

“Pero sanay na siyang mag-jogging mag-isa. At wala namang nagiging problema dahil malapit lang ang plaza sa bahay natin,” sagot naman ng asawa.

“Ipagdasal na lang nating walang masamang nangyari sa kanya,” sabi ng kanilang ina.

SAMANTALA, nai-ready na nina Axel ang bangkay ni Krishna.

Naghihintay na lang sila ng pagkagat ng dilim para walang makakita sa pagdadala nila sa labi nito sa laot ng dagat.

Parang biglang humaba ang oras sa kanilang pakiramdam.

Para hindi mainip, painom-inom sila ng alak.

Hanggang sa dumating ang pinakahihintay nilang sandali.

Madilim na ang buong paligid.

Pinagtulungang buhatin nina Axel, Macoy at Clark ang bangkay ni Krishna na nakasilid sa malaking garbage bag patungo sa nakahimpil na bangkang de motor sa tabing dagat.

Hollow blocks naman ang dala nina Calvin at Bogart para gawing pabigat.

Katiwala nina Clark sa beach house ang may-ari ng bangka kaya alam niya kung paano ito gagamitin.

Ilang saglit pa at nagbibiyahe na sila.

Habang sumisibad sila patungo sa laot, kinakabitan nila ng mga hollow blocks ang bangkay.

Nang nasa laot na sila, inihulog na nila ang labi ni Krishna.

Hindi kaagad sila umalis, hinintay nila ito na lumubog sa tubig.

Bukod dito, nakikiramdam sila sa kanilang paligid kung may nakakita sa kanilang ginawa.

Ang layo nila sa pangpang at wala silang nakitang mangingisda sa gitna.

Sa paniniwala nila, safe na safe sila sa kanilang ginawa.

Bumalik na sila sa pangpang.

Nagkakatuwaan pa sila nang bumaba sa bangka.

“Naisahan na naman natin ang mga pulis. Magdamag  tayong iinom bilang selebrasyon,” masayang sabi ni Axel.

Nang pumasok sila sa beach house, magkakatulong silang nagluto ng masarap na pulutan at nagpalamig ng beer.

Ilang saglit pa at nag-iinuman na sila. Masaya ang kuwentuhan nina Axel, Clark, Bogart at Macoy.

Hindi nakikisali sa kanila si Calvin. Nakaumpok lang sa kanila pero tahimik. Siniko siya ni Macoy.

“Huwag mong sabihing dinadaga ka kaya ka tahimik diyan, pards,” aniya.

“Hindi. Nalamigan yata ako kagabi. Sinipon ako. Barado ang ilong ko,” sagot naman ng una.

Maya-maya’y tumayo ang huli at tinungo ang bintana para suminga.

Nagulat sina Axel nang nagpapanik siyang sumigaw.

Hangos na nilapitan siya ng apat na kaibigan para alamin kung ano ang kinatatakutan ng kanilang kaibigan. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply