GANTI (Ika-19 labas)

GIMBAL na nakaturo si Calvin sa mga nagliliparang honeybee sa labas ng bintana.

Natatawang napailing si Axel.

“Ngayon ka lang ba nakakakita ng honeybee?” tanong niya sa kaibigan.

Umiling si Calvin.

“Kung gayun, bakit parang amaze na amaze ka?”

Tumuro ang una sa kanyang ilong.

Gulat na napanganga ang mga katropa nang makitang isa-isang naglalabasan sa dalawang butas ng kanyang ilong ang mga honeybee.

Ang kanilang pagkagulat ay nauwi sa pagkagimbal nang bumuka ang bibig ng una.

Mula rito ay naglabasan ang makapal na insekto.

“G-God! Ano’ng hiwaga ito?” gimbal na sambit ni Clark na biglang napaatras.

“M-Malikmata lang iyan!” sabi naman ni Axel. Biglang kinusot-kusot nina Macoy at Bogart ang kanilang mga mata.

“H-Hindi malikmata iyan, pards! Totoo na iyan!” shock nilang sabi.

Natigilan si Axel.

Maging siya ay hindi na matanggap na malikmata lamang ang kanilang nakikita.

Totohanan na ito!

Muli ay inatake sila ng takot sa naganap na kahiwagaan.

Nang malakas na mapasigaw si Calvin.

Huling sigaw na iyon ng binata at parang nauupos na kandila na napaluhod siya sa sahig.

Natumba …

Luwa ang mga mata sa  takot na binawian ng hininga.

May ilang saglit ding hindi nakakilos ang tropa sa labis na pagkabigla.

Nang makabawi, mabilis silang nag-isip kung ano ang gagawin.

“Kailangang malaman ng parents ni Calvin ang nangyari sa kanya,” sabi ni Axel. “Tumawag kayo sa kanila.”

Hangos na tinungo ni Clark ang kinapapatungan ng telepono at tumawag sa mga magulang ng kaibigan.

Kasunod nito, sa himpilan ng mga pulis siya tumawag.

Mabilis naman silang nagresponde.

Hindi makapaniwala ang mga imbestigador sa kanilang pahayag na kulam ang ikinamatay ni Calvin sanhi ng mga honeybee na naglabasan sa kanyang ilong at bibig.

Overdozed sa drugs ang hinihinala nilang ikinamatay ni Calvin pero gusto pa nilang makumpirma.

Dinala na ng mga pulis ang bangkay ni Calvin para isailalim sa autopsy.

Sumama sina Axel.

Sa ospital na sila nagkita-kita ng mga magulang ni Calvin.

Maging sila ay hindi matanggap na kulam ang ikinamatay ng kanilang anak.

“Ano’ng kasalanan ng anak ko para makulam siya?” nangingipuspos na tanong ng ina ng binata.

Hindi makasagot sina Axel.

Alangan namang sabihin nila na may mga kalokohan silang ginagawa at maaaring may nagtanim ng galit sa kanila kaya nakulam ang kanilang kaibigan.

“Ang kaso ni Calvin, katulad din ng sinapit ni Bruce pero magkaiba nga lang ng pangyayari.

Namatay ang huli dahil sa pagsusuka ng mga thumbtacks at maliliit na pako, samantalang ang una ay nilabasan ng mga insekto sa ilong at bibig.

Galit ang father ni Calvin.

“Totoo ba ang sinasabi ninyo na may mga honeybee na lumabas sa bibig at ilong ng aking anak na siyang naging dahilan ng kanyang kamatayan?” pormal niyang tanong sa tropa.

Sabay-sabay silang tumango.

“Malalaman ko rin kung nagsasabi kayo nang totoo at kung sino ang kumulam sa anak ko. Magbabayad ang may utang,” galit na sabi ni Mr. Federico. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply