GANTI (Ika-23 labas)

SUNOD-SUNOD ang pitik ng digital camera ng tv reporter na si Rowena sa likod ni Bogart na tinubuan ng young tree.

Kinunan niya ito sa iba’t ibang anggulo.

“Scoop ito,” sabi niya sa sarili. “Tiyak na pagkakaguluhan ang kuha ko hindi lang sa bansang ito kundi pati na sa buong mundo.”

Matapos makunan ng larawan ang lalaki na tinubuan ng puno sa likod, karaka niyang ipinorward sa pinagtatrabahuhang tv station para maging flash report.

Bago umalis, muli niyang kinausap si Bogart.

“Maliit pa lang ang punong akasya na tumubo sa likod mo. Pero paano na kung lumaki iyan?” tanong ni Rowena.

“Di putulin!” nakatawang tugon naman ng una.

“Pero hindi kaya iyon makaapekto sa katawan mo?”

“Hindi ko alam,” sagot naman ni Bogart.

Nagpaalam na ang dalagang tv reporter sa binata.

“Maaaring balikan kita sa ibang araw. Sana’y hindi ako makaistorbo sa iyo,” sabi ni Rowena.

“Okey lang! Masaya nga ako dahil may tao na hindi nandidiri at kumakausap sa akin,” sagot naman ng binata.

“Hindi dapat pinandidirihan ang mga katulad mo. Dapat ay pinalalakas ang loob,” nakangiting tugon naman ng dalaga at umalis na lulan ng service ng pinagtatrabahuhang tv station.

Tama si Rowena.

Hindi lang ang buong bansa kundi pati na ang buong mundo ay namangha nang lumabas sa telibisyon ang mga kuha niya kay Bogart.

Marami tuloy foreign journalist ang nagkainteres na kunan ng larawan ang lalaki para ipadala sa mga pinapasukang pahayagan, magazines at tv stations.

May mga scientist din na dumating.

Layunin nilang pag-aralan ang kaso ni Bogart kung bakit tinubuan ng puno sa likod.

Pero hindi nila maabutan ang binata …

Kahit hindi ito nagtatago, hindi naman nila madatnan sa bahay dahil sa dami ng pinagkakaabalahan.

Sa totoo lang, hinihintay lang ni Bogart na mailibing si Axel dahil desidido siyang ituloy ang kanyang plano.

Nakagayak na ang kanyang mga gamit at van na gagamitin sa mahabang paglalakbay.

Pupunta siya ng Samar …

Dadalawin niya ang libing ng mag-inang Alexandra at Aling Pilar para humingi ng tawad.

Samantala, palibhasa’y mayaman ang mga magulang at maraming tauhan, dumagsa ang maraming tao sa araw ng libing ni Axel.

Ginawa kasing holiday ni Mr. Peralta ang araw na iyon para sa kanyang mga empleyado at trabahador.

Libre sakay pa patungo sa memorial park na paglalagakan ng mga labi ng nasawi.

Kabilang si Bogart sa mga dumalo sa libing ni Axel.

Huling sulyap niya iyon sa kanyang bestfriend.

Matapos ito, bibiyahe na siya patungong Samar para isakatuparan ang kanyang binabalak.

Bale apat  lang silang lulan ng van.

Isang driver at dalawang alalay ang kasama niya.

Hindi na nagtagal pa si Bogart sa memorial park kung saan inilagak ang mga labi ni Axel.

Pinaderetso na niya ang dalang sasakyan sa Samar.

Pagdating nila rito, tiyempo namang si Aling Sela na kabarangay ng napatay na mangkukulam ang kanilang napagtanungan.

Hindi naging maramot ang matandang babae ng kaniyang pakiusapan.

Hindi lang  basta itinuro kundi sinamahan pa sila patungo sa pinaglibingan sa mag-ina. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply