GANTI (Ika-26 labas)

GANTI (Ika-26 labas)

“HINDI importante kung ano ang ayos ko ngayon. Ang mahalaga, wala na ang tumubong puno sa likod ko,” nakangiting sabi ni Bogart sa mga alalay.

“Pero kahit nawala na ang puno sa iyong likod bosing, tiyak na maninibago ang mga taong nakakakilala sa iyo. Clean cut kasi ang dating mo at guwapong-guwapo pero ngayon ay bigla kang tumanda at nagmukhang ermitanyo,” pailing-iling pa ring sabi ng alalay.

“Huwag mo nang pakialaman ang ayos ko,” sabi naman ni Bogart. “Tayo na at sabik na sabik na akong makauwi ng Maynila.”

May bitbit na malaking bag si Bogart nang sumakay sa van pero kung ano ang mga laman nito ay siya lamang ang tanging nakakaalam.

Nagsimula siyang magbiyahe …

Walang ginawa kundi matulog si Bogart habang naglalakbay …

Sa mahabang panahon kasi na kasama niya si Aling Dolores, palagi siyang puyat.

Pero bigla siyang nagising sa naramdamang yugyog sa kanyang balikat.

“Ang sarap ng tulog ko pero bakit ninyo ako ginising?” yamot na tanong ng binata sa tatlong kasama.

“Walang gumigising sa iyo, bosing. Hindi nga namin alam kung bakit bigla kang gumising,” sagot naman nila.

Napailing na napahawak sa batok si Bogart.

Nang biglang tumigil ang daloy ng mga sasakyan.

“Bakit tayo tumigil? Ano’ng nangyari?” tanong ng una.

“Parang may problema sa unahan, bosing,” sagot naman ng driver.

Nang mula sa unahan ay may mga taong nagtakbuhan …
Isang lalaki na mukhang bangag ang nakita nilang may hawak na jungle bolo at nanghahabol ng taga sa mga tao.

Isang matandang babae ang nadapa at hindi na nagawang makabangon …

Inabutan siya ng amok …

Iniamba ang matalas na itak sa nagmamakaawang biktima.

Hindi nakatiis si Bogart at biglang bumaba sa van sa kabila ng pagpigil ng mga alalay.

“Huwag ka nang makialam, bosing. Baka ikaw ang pagbalingan ng gagong iyan,” sabi ng isang tauhan pero hindi pinansin ng una.

Sinigawan niya ang adik.

“HUWAG MONG GALAWIN ANG MATANDANG IYAN! AKO ANG HARAPIN MO!” sabi ni Bogart.

Dahil dito, siya ang galit na hinarap ng lalaki …

Galit na galit siyang nilapitan ….

Takot na nagsigawan ang mga taong nakakakita.

“TAKBO, MAMA! PAPATAYIN KA NIYAN!” sigaw ng mga tao.

Pero hindi tuminag sa kinatatayuan si Bogart at sa halip ay mariing tinitigan ang amok.

Naging malaking pagkakamali ng huli ang pagsalubong ng tingin sa mga mata ng una.

Hindi makapaniwala ang mga tao sa nasaksihan …

Sa halip na tagain ng amok si Bogart, dalawang kamay na hinawakan niya ang jungle bolo at iniharap sa sarili.

Tapos ay biglang isinaksak sa kanyang bibig at naglagos sa kanyang batok …

Patay siyang nalugmok.

Lagim na nagsigawan ang mga nakasaksi …

Parang walang nangyari na bumalik na sa loob ng van si  Bogart hanggang sa muling mag-go ang trapik.

Sa mga nakasaksi, isa ang may digital camera na buong nakunan ang enkuwentro ng adik at ng mala-ermitanyong lalaki.

Kaagad niyang ipinorward sa isang sikat na tv station ang kanyang kuha.

Hindi pa dumarating ng Maynila sina Bogart, nasa flash report na ang naganap na malagim na eksena.

Napanood ito ng tv reporter na si Rowena.

Titig na titig siya sa picture ng lalaki na kahit parang ermitanyo ang dating, halatang bata pa. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply