Gipit sa gupit

MAY kasabihan sa Ingles na ang maingay na pinto ang nakatatanggap ng langis.

Iyan ang prinsipyong sinusunod ng mga nagpoprotesta sa kung anu-anong dahilan. Ang totoo niyan, mga higala, hindi naman kelangang maging maingay ang protesta para kalampagin ang mga nasa kapangyarihan. Meron ding tahimik, gaya ng ginawa ni Mahatma Gandhi ng India na nagsuot ng lampin at tahimik na umupo para kunsensyahin ang mga puting Briton na umalis sa lupa nila at bigyan sila ng kalayaan.

Maituturing din na tahimik na protesta ang pagpapakalbo ng mga OFWs noong ikasandaang araw ni PNoy sa pwesto. Nasabi ko na dati na wala nang epekto ang pagpapakalbo dahil karaniwan na lang ito. At lalo silang dinedma dahil hindi natupad ang pangakong sandaang OFW ang magpapakalbo.

Kung tutuusin, malaking tulong din naman ang nagagawa ng grupong ito sa mga nakararanas ng problema sa ibayong dagat, lalo na sa Gitnang Silangan kung saan malaking bilang ng mga kabayan natin ang minamalas sa trabaho. Mas gugustuhin kong nariyan sila kesa wala. Ang reklamo lamang ng ilang kabayan, may tendensya silang mataranta at makuryente. Gaya ng ulat tungkol sa apat na narses umanong na-gang rape sa Riyadh. Matapos mapilitang kumilos ng embahada ng Pinas at magtanung-tanong, napatunayang hindi pala ito totoo.

Kung halimbawang ipanganak ulit ako at maging isang diplomat o manggagawa sa foreign service, hinding-hindi ko gugustuhing mapadpad sa Gitnang Silangan, lalo na sa Saudi, dahil para kang bibingka dito na sinisilaban sa ilalim at sa ibabaw. Walang solusyon ang problema dito kundi pauwiin lahat ng Pinoy. Kaso, imposible ito hangga’t kulang ang trabaho sa Pinas.

Ngayon, makukuntento ka na lang na pumatay ng sunog na paisa-isa. Ganyan ang nangyayari sa mga opisyal na gobyernong Pinoy sa Saudi; tagapatay ng sunog. May magagahasa rito, may makukulong dahil nakapatay, may tumatakas at kinakasuhan ng pagnanakaw ng amo, may nagpapakamatay, may dadagsa sa opisina mo at magpupumilit na pauwiin mo sila sa Pinas.
Walang katapusang problema.

Isa sa nagpapalala ng problema ang malaking kaibahan ng kultura doon sa kulturang Pinoy. Oo nga’t makukutusan mo ang ilang taong gobyerno natin doon dahil sa mga kapalpakan pero may mga pagkakataong wala sa kanilang kamay ang pagpapasya. At malalaman mo lang ito kung natira ka roon.

Halimbawa, kung sanay tayong ang isang inaakusahan ay itinuturing na inosente hanggang mapatunayang nagkasala. Doon, itinuturing kang maysala hanggang mapatunayang inosente. At sa buong panahong iyon nakakulong ka. Pwede kang ikulong ng hanggang anim na buwan nang walang reklamo. Pakakawalan ka lang sa ikaanim na buwan kapag walang nagreklamo sa iyo.

Ganun ang nangyari sa isa kong kasamahan sa trabaho. Araw ng mga Pakistani noon at nasobrahan sila sa pagsasaya, nagtipun-tipon sa kalye. Pinaghuhuli sila ng pulis at napasama ang kaopisina ko. Kahit may ebidensiyang hindi siya Pakistani at nagkataong naparaan lamang siya, hindi siya pinakinggan ng pulis. Tatlong buwan “lamang” siya sa oblo kasama ng mga Pakistani dahil malakas sa prinsipe ang isang opisyal ng kumpanya namin. Hernan Melencio

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply