Gobyerno dapat kumilos na sa dumaraming kaso ng istrok at atake sa puso ng kabataan

Dahil sa dumaraming bilang ng mga naiistrok at naatake sa puso, ipagdiriwang ng Philippine College of Physicians (Quezon City Chapter) sa Oktober 29 ang World Stroke Day.

Pumapangalawa ang istrok sa atake sa puso bilang nangungunang sakit na nakamamatay sa Pilipinas, ayon sa mga pag-aaral.

Ang istrok ay ang biglang pagputok ng ugat sa utak samantalang ang atake sa puso ay ang pagsabog naman ng malaking ugat sa puso.Kapwa ito dulot ng pagbabara, ayon sa mga espesyalistang duktor.

Nilalayon ng pagdiriwang na itaas ang antas ng kamulatan ng mga tao sa mga karamdamang ito na sakit na rin ngayon ng dumaraming bilang ng mga kabataan bunga ng maling pagsusupling o pag-bubuntis.

“Nakukuha ang mga sakit na istrok at atake sa puso sa di-tamang pagdadalang-tao,” sabi ni Dr. Romulo Esagundo, isang bantog na neusurgeon, bilang paliwanag sa nakababahalang paglaki ng bilang ng mga kabataang naaatake at naiistrok tulad ng kilalang personalidad sa telebisyon na si Kim Atienza o Kuya Kim na ngayon ay magaling na at nakabalik na sa trabaho.

Sinabi niyang isa itong “congenital defect” na nadedebelop sa panahon ng pagdadalang-tao. “ May mga taong sadyang isinilang na depektibo ang mga ugat at habang tumatanda ang kanyang mga ugat ay numinipis at rumurupok,” dugtong nya.

Sinabi pa ni Dr. Esagundo na namamana rin ang mga sakit na ito kayat kung may mga naistrok o naatake sa puso sa pamilya ay maaari ring magkasakit nang ganito ang kanilang mga anak o apo. Upang maiwasan ang istrok ay ipinapayo niya ang paglunok ng aspilet minsan sa isang araw.

Sa ganang amin ay panahon na upang gumawa ng kaukulang mga hakbang ang pamahalaan upang mahadlangan at masawata ang mga sakit na ito.Maaaring isama ito sa mga probisyon ng panukalang  batas sa kontrobersiyal na panukalang-batas sa Reproductive Health (RH) na inihain sa Senado ni Sen. Meriam Defensor Santiago na kasalukuyang dinidinig ngayon ng Kometi sa Kalusugan ng Senado na pinangunguluhan ni Senadora Pia Cayetano,bilang chairperson.

KASONG P500-M TAX  EVASION LABAN  KAY CARLO CAPARAS NAKAGUGULAT

Nadungisan ang proseso ng pagpili ng pamahalaan sa mga national artists nang sampahan ng P540-milyong  kaso ng tax evasion o di pag-babayad ng buwis ang sikat na director sa pelikula  at manunulat sa komiks na si Carlo Caparas. Si Caparas ay pinangalanang National Artist sa ilalim ng bagong kategurya sa visual arts at pelikula noong Hulyo 2009 ng noon ay pangulong Gloria Macapagal Arroyo na isa ngayong kongresista ng Pampanga.

Pero sa kabutihang palad pangsamantalang pinatigil ng Korte Suprema ang pag-aabot ng award sa lahat na pitong national artists na pinili ni Arroyo kabilang si Caparas.

Kasalukuyang umiiral pa ang pagpigil na iyon ng korte kaugnay ng petisyon ng limang national artists, mga miyembro ng Concerned Artists of the Philippines at iba pang mga kumukuwestiyon sa ginamit na proseso ng Malacanyang sa pagpili ng mga national artists noong nakaraang taon.

Ang kaso sa di pagbabayad umano ni Caparas  ng mahigit na kalahating bilyong pisong buwis ay nag-ugat sa P1.3 bilyong kontrata sa pagitan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at ng kumpanya na pelikula ni Caparas.
Ang nakakagulat pa rito ay ang ubod ng laking halaga ng kontrata na P1.3 bilyon. Hindi kaya pinapintog lang ito ng magkabilang panig upang tumipak sa maliit lamang na transaksiyon? Nagtatanong po lamang kami at hindi naghuhusga.
Isa pa rin itong bagay na nakagugulat. Sinabi ni Commisioner Kim Jacinto Henares ng Bureau of Internal Revenue (BIR)  na nahaharap si Caparas sa 64 na kaso ng paglabag sa Tax Code nang hindi siya nagbayad ng buwis mula noong 2006 hanggang 2009. Sinabi ni Henares na nagbayad ang PCSO kay Caparas ng P850.95 milyon sa paggawa ng iba’t ibamg programa sa loob ng panahong iyon. Grabe ang kasong ito. Nakapanggigigil!!!!

MARAMI NATUWA SA PAGKAKATALAGA NI PNOY KAY BINAY  BILANG TAGAPAYO NIYA SA MGA USAPING OFWs

Marami ang nagalak,lalu na ang mga manggagawang Pilipino sa ibayong  dagat, sa pagkakahirang kay Bise PresIdente Jejomar Binay ng Pangulong Aquino bilang tagapayo niya sa mga usaping pang-Overseas Filipino Workers(OFWs).

Dahil raw ito sa pagiging mapamaraan,malikhain, masipag at maasikaso ng Bise Presidente sa tungkuling nakaatang sa kanyang mga  balikat.

Tinawag naman ng Alyansa ng mga Manggagawang Pilipino sa Ibayong Dagat na isang tamang hakbang ang pagkakatalaga kay Binay bilang Presidential Adviser sa mga usaping Pang OFWs.

BABAHA ANG PERA PARA SA MGA MARALITANG  PILIPINO MULA SA TULONG NG WORLD BANK

Lalong maiinggit ngayon ang mga grupong ayaw mag-tagumpay si Presidente Aquino sa kanyang pamumuno at pagpapaunlad sa ekonomiya ng bansa.

Hindi lang pala sa United States government malakas si P-noy. Mas malakas pala siya sa World Bank (WB) matapos na doblehin nito ang kanyang tulong sa Pilipinas bunsod ng panimulang mga repormang ipinatutupad si P-Noy tungo sa matuwid na pamamahala.

Simula sa isang taon ang kasalukuyang $ 650 milyon tulong sa Pilipinas ng WB ay itataas sa $ 1.3 bilyon sa umpisa at pagkatapos ay gagawing $1.5 bilyon ang tulong na pinansyal ng WB.

Inaasahan ding babaha ang pera sa mga pinakamahirap na Pilipino dahil sa inaasahang daragdagan din ng WB ang tulong nito sa gobyerno sa ilalim ng tinatawag na conditional cash transfer(CCT) program para sa mga nagdarahop.

Maaalalang  nagbigay ng $343 milyong tulong ang US sa Pilipinas kamakailan habang bumibisita ang Pangulong Aquino sa America, para ipang gastos sa mga reporma sa pamamahala na ipinangako ng Pangulo sa bayan noong nakaraang kampanyang pampanguluhan. Cornelio R. De Guzman

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply