Grim and determined

PAMILYAR sa mga naging aktibista nitong nakaraang mga dekada ang salitang “grim and determined” o G&D o GND. Sila ang mga tigasing “amasak” pagdating sa pagpapatupad ng mga patakaran. Masyado silang “mahigpit” at walang sinasanto. Ang ilan sa kanila e laging nakasimangot at hindi tumatawa.

Pero hindi sila ang gusto kong pag-usapan ngayon. Naalala ko lang sila dahil marami ring GND sa isyu ng reproductive health (RH) at marami sa kanila e mga taong Simbahan. Alam ng lahat na ayaw na ayaw ng Simbahan ng condom at iba pang artipisyal na paraan ng family planning. Lagi silang galit, nakasimangot at hindi tumatawa.

Ang totoo niyan, mga ginang at ginoo, kokonti lamang ang GND sa Simbahang Katolika. Karamihan ng mga taong Simbahan – mga pari at lay people – ay praktikal ang pagtingin sa isyu at umiiwas lamang pag-usapan ito sa publiko. May pari nga sa Cebu na namimigay ng condom sa mga prosti dahil iyon lang ang pwede niyang maitulong sa kanila. Hindi niya magawang bigyan ng disenteng trabaho ang mga sawimpalad na prosti binibigyan na lamang niya ang mga ito ng condom bilang proteksyon sa sakit. At hindi siya nag-iisa. Maraming pari na hindi itinuturing na isyu ang reproductive health (RH) – kahit nga ang sugal at jueteng. Syempre hindi sila lalantad para ipahayag ang kanilang saloobin. Ano sila, hilo?

Mabuti na lang at may mga relihiyosong may malawak na pag-iisip at bukas sa pakikipag-usap sa mga nagsusulong ng RH. Kung ang mga obispo e umiiwas makipag-usap dahil baka mapasubo sila at mapapayag sa panukalang batas na “ginawa sa impyerno,” may mga Heswitang pari na nagsabi kamakailan na hindi makabubuti para sa Simbahan na batikusin nang nakapikit ang RH bill.

Dapat anilang makipag-usap ang mga pinuno ng Simbahang Katolika sa Estado para maihiwalay ang masama sa mabuti na nakapaloob sa panukalang batas. Hindi totoong pawang kasamaan ang nakasaad sa batas, anila. May mga nasusulat dito na sumasagot sa mga suliranin gaya ng pagkamatay ng mga ina dahil sa kakulangan ng kaalaman at pasilidad, maagang pagkamatay ng mga sanggol at aborsyon. Kung magiging bukas lamang ang magkabilangpanig sa pag-uusap, maaaring maipasa ang isang batas na makabubuti sa lahat, lalo na sa mga sanggol sa sinapupunan, mga kabataan, kababaihan at mga pamilyang naghihikahos.

Ang totoo niyan, hindi naman kailangan ng masyadong masalimuot na patakaran para mapababa ang populasyon na sinasabi ng ilan na sanhi ng kahirapan. (Hindi sanhi ng kahirapan ang dami ng populasyon, pero nakadaragdag ito sa problema ng bansa sa kakulangan ng produksyon at trabaho.) Tamang edukasyon lamang ang kailangan. May mga pag-aaral na nagsasabing mas maliit ang bilang ng anak ng mga may pinag-aralan kesa dun sa wala. At habang tumataas ang pinag-aralan ng mag-asawa, lumiliit ang bilang ng anak nila.

Isa pang problema ang kulturang Pinoy na tumitingin sa mga anak bilang “puhunan” na nakakatulong sa pagkita. Mas maraming anak, mas maraming kita para sa pamilya. Bukod pa, tinitingnan din ang mga anak bilang seguridad o tagapag-alaga ng mga magulang sa kanilang pagtanda. Hernan Melencio

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply