HAPPY 58th BIRTHDAY NPC!

ISANG makasaysayang taon na naman para sa National Press Club (NPC) ang pagsapit nito sa  ika-58 anibersaryo, patuloy na pakikibaka sa larangan ng pamamahayag at kapakanan ng mga miyembro nito.

“Upholding the freedom of the press and the dignity of the newspaperman’s profession,” ang pangunahing misyon ng NPC.

Kamakailan,  nagbunyi ang NPC matapos na maabswelto ang kontrobersyal na sina Erwin Tulfo at Michael Rogas,  broadcasters mula sa RMN radio, sa grupo ng mga makakasuhan kaugnay sa August 23 hostage taking na ikinamatay ng walong Hongkong nationals at mismong ang hostage taker na si Rolando Mendoza.

Umalma ang NPC kasunod ng inilabas na Incident Investigation and Review Committee report na kabilang ang nasabing broadcasters sa mga kakasuhan.

Nanindigan ang institusyon kasabay ang pagpapaabot ng liham kay Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino o PNoy na hindi dapat kasuhan sina Tulfo at Rogas. l Kung kakasuhan sila, posibleng lumikha lamang ng impresyon na binubusalan ng gobyerno ang mamamahayag.  Tumulong lang naman anito ang dalawa para pakalmahin ang hostage taker na si Mendoza.

Inabsuwelto din ang dalawang  istasyon ng telebisyon na nagsahimpapawid sa pagkaaresto ni SPO2 Gregorio Mendoza, kapatid ng hostage taker dahil importante ang ‘coverage’ para mai-deliver sa buong mundo ang mahalagang balita gaya ng naturang hostage taking.

“There is no criminal law that punishes the act of interviewing a hostage-taker or any law which punishes the act of covering all incidents in a hostage crisis as these events unfold,”  paninidigan pa ng NPC.

Ito ang maituturing na isang mahalagang kasaysayan sa ilalim ng administrasyon ni G. Jerry Yap.

“But daunting as the obstacles maybe, I wish to assure the membership that the leadership of the Club’s stands foursquare behind you through all these trials and tribulations,” ani Yap sa kaniyang mensahe.

“There is a light at the end of the tunnel.  And through sheer determination, resolve and true grit we shall overcome,” pagtatapos pa ng NPC president.

Oktubre 29, 1952 nang itatag ang NPC sa pangunguna ng batikang mamamahayag na si G. Teodoro Valencia na siya na ring kauna-unahang Presidente nito.

Ayon sa kasaysayan, hindi pa nade-develop ang broadcast at television journalism nang itatag ang NPC.

Print media lamang ang orihinal na mga miyembro nito.  Ngayon, mahigit sa 1,000 miyembro na ang bumubuo ng NPC kasama ang reporters, editors, broadcasters mula sa telebisyon at radio.

Kabilang sa mga programa ng NPC ang pagbibigay ng tulong sa pamilya ng mga miyembro nito, libreng legal assistance at pabahay sa hinaharap.

Kabilang sa mga dumalo sa pagdiriwang ng NPC anniversary sina Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., Herminio ‘Sonny’ Coloma, Palace Communication Group; Manila Mayor Alfredo Lim; Magtanggol Gatdula ng National Bureau of Investigation (NBI);  dating Pangulong Fidel V. Ramos at San Juan Rep. JV Ejercito.

UNDRESS AT ANDRES

Isang maikling talumpati ni Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. sa kanyang pagtanggap ng plake ng pagkilala mula sa pamunuan NPC sa pagdiriwang ng ika-58 anibersaryo, ika-28 ng Oktubre 2010 sa NPC Bldg., Intramuros, Maynila

Magandang gabi sa inyong lahat.

Malugod kong tinatanggap ang plakeng ito at taos-puso ang aking pasasalamat sa inyo – pamunuan at mga miyembro ng National Press Club na nagbibigay nito sa akin ngayon.

Alam ko naman na limitado ang aking oras sa inyong harapan dahil sigurado ako na mas maraming oras ang inilaan n’yo para sa pagsasaya mamaya.

Out na ‘ko d’yan, mga kapatid kong diyarista. ‘Wag n’yo na ‘kong isali. Kung pipilitin n’yo ‘ko, baka p’wede pa pero sa konteksto na lang ng social drinking. Baka kasi ikasama pa ng inyong loob kung ‘di ko pauunlakan ang tagay para sa 58th anniversary ng inyong organisasyon.

Pero bago ‘yon, gusto ko sana na marami tayong mahubaran sa konting oras na hawak ko ang microphone.

Alam n’yo, kahit medyo malabo ang mata ng ating Pangulong Noynoy Aquino, gusto niya na maraming naaaninaw.

Gusto niya na naka-undress ang maraming aspekto sa gobyerno na kanyang pinamumunuan.

Transparency ang tawag dito. Ito ay ang pagpapaaninaw sa mahahalagang bagay na nakaaapekto sa takbo ng ating pambansang pamumuhay.

Kung nakikita ng tao ang mga hubad na katotohanan sa lipunan, nalalaman din niya kung paano siya makapag-aambag sa mga kinakailangang pagbabago at reporma. Kung well-informed siya, madali niyang maaarmasan ang sarili sa paglaban sa mga katiwalian at korupsiyon.

‘Di tayo makapagdidesisyon ng para sa matuwid at tama kung lagi na lang tayong in the dark. Kung lagi na lang itinatago o sadyang nakatago ang mga dapat mabatid ng mga Pilipino.

Subukan nating i-turn off ang mga ilaw sa k’wartong ito, ewan ko na lang kung mahahagilap pa natin ang nakahandang masarap na pagkain at malamig na serbesa.

Kung UNDRESS ang panawagan ng ating gobyerno, makatutulong din kayong mga ANDRES sa pagtugaygay sa daan tungo sa mga ganap na pagbabago.

Tulad ni Andres Bonifacio noon, nagpapamalas din kayo ng inyong katapangan sa kasalukuyan para mailantad ang mga kabulukan at kabuktutan sa lipunan sa pamamagitan ng inyong mga pahayagan.

Dahil sa inyong mga balita at opinyon, lalong namumulat ang mamamayan at madalas na nagiging batayan ng mga kinakailangang pagkilos sang-ayon sa itinatadhana ng ating mga batas.

Ang aking tanging payo sa inyo ay ‘wag sanang pasugod-sugod. Matalas na mag-imbestiga at magmanman. Kung ganap ang inyong pagsisiyasat, lalabas nang kusa ang mga ebidensiyang magdidiin sa mga tiwali at mandarambong sa pamahalaan.

Matibay ang aking paniniwala na ipagpapatuloy n’yo ang pag-aambag na ito sa hinaharap at hindi malilibing sa Maragundon ang inyong panata…

Na makapaghayag ng totoo at totoo lang.

Maraming salamat. Cheers! Linda Bohol

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply