Hindi kabataan kundi pulis at militar ang pag-asa

HINDI na uso ang kasabihang ang mga kabataan ang pag-asa ng bayan. Kinalilimutan na yata ngayon ang pangaral ni Gat Jose Rizal na nasa kabataan ang hinaharap o pag-asa ni Juan.

Iba na ang inaasahan ngayon, kahit ng  pamahalaang PNoy.

Para malinaw, ang mga sundalo at pulis na ngayon ang pag-asa ng bayan at hindi ang mga kabataan.

Noong martial law, naganap ito at noong panahon ni Gloripie, napansin ding bineybi ang mga pulis at militar bilang pag-asa na hindi sila makukudeta.

Lumalabas talagang kahit sa matuwid na landas ni PNoy, nagaganap ito at batay ito sa paggamit nito ng salaping bayan.

Paano mapatutunayan ito, huh? Aba, diyan mismo sa mga panukalang badyet para sa Department of National Defense, Department of Interior and Local Government at State Colleges and Universities.

Ang mga panukala ay galing sa opis ni P-Noy at isinumite sa Kamara. Por aprubal, sabi! At wala nang atrasan.

oOo

Sa panukala sa tatlong sangay ng gobyerno, grabe ang pagbeybi ni P-Noy sa mga sundalo at pulis samantalang tila iniitsapuwera ang mga kabataan sa kolehiyo.

Ngayong 2010, P62.7 bilyon ang badyet para sa mga sundalo pero para sa 2011, nais silang bigyan ng P104.7B. Ang pulis naman ay nabigyan ng P64.5B ngayong 2010 habang bubusugin sila ng P88.2B sa 2011.

Pero ang SUCs sa pangkalahatan ay bibigyan lang ng P23.4B sa 2011 mula sa  P23.8 ngayong taon.

Heto pa, Suki.

Kakaltasan nina PNoy ang University of the Philippines ng P1.39B; Philippine Normal University – P92M; at Bicol University – P88M.

Ang Polytechnic University of the Philippines at Marikina Polytechnic College ay hindi binigyan ng mga bagong kagamitan o pondong pang-repair kahit minalas ang mga ito sa nakaraang mga kalamidad at baha. Marami namang SUC ang kinaltasan ng 50% operations budget.

Sa kabuuan, nasa P67B ang umento ng mga sundalo at pulis at katakot-takot na kaltas ang ginawa sa hanay ng mga kabataan.

oOo

Bakit kaya mas gusto ni P-Noy ang bumili ng baril at bala at hindi ng mga aklat, laboratoryo at iba pa para sa edukasyon, huh?

Batay ba ito sa  karanasan na ang mismong mga sundalo at pulis ang pag-asa ng Hacienda Luisita sa pag lutas ng problema nito?

O batay ba ito sa kanyang sitwasyon na ang tagapagbantay niya sa kanyang tirahan sa Malakanyang ay mga de boga at hindi mga kabataan?

O dahil ba sa gun enthusiast siya at larawan lang ang pagpapatakbo ng badyet ang kanyang personal na buhay?

O PNoy, lahat ng pagkakataon ay nasa iyo para higit mong paglingkuran ang milyon-milyong kabataan sa halip na iilan lamang. Talikuran mo ang bisyo ng nakaraang mga administrasyon na higit na umasa sa pulbura kaysa sa lakas at talino ng mga kabataan. Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply