Hindi magiliw

WALA namang masama sa ipinasa ng Bahay ng mga Kawatan, este, Kinatawan tungkol sa pagpapataw ng kaparusahang kriminal sa mga mang-aawit na kakanta ng “Lupang Hinirang” nang hindi sunod sa pagkakaayos ni Jules Felipe.

Ayos lang ito sa akin dahil hindi naman ako singer at walang magpapakanta sa akin nito sa Las Vegas.

Medyo hindi lang ako mapakali dahil parang OA naman itong mga kongresista natin. Ang dami-daming pwedeng ipasang batas, bakit ito pa ang napagdiskitahan nila? Hindi kinikilala ng panukalang ito ang sining at pinapahalagahan lang ang nakalipas. Totoong mahalaga ang kasaysayan pero mahalaga lamang ito habang may saysay ito sa tao.

Ang pagmamahal sa bayan at pagpapahalaga sa mga bagay na sinauna, gaya ng respeto, e hindi ipinag-uutos. Hindi nagiging makabayan ang isang tao dahil inuutusan siya ng batas. Noong uhugin pa akong bata, usung-uso noon ang pagpapalit ng mga letra ng Pambansang Awit para magpatawa. Pero hindi naging dahilan ito para sa mga bata at estudyante na hindi magmahal sa bayan. Marami sa kanila ang sumapi sa Kabataang Makabayan (at iba pang kilusang makabayan), lumaban sa diktadura at nagbuwis ng buhay at katawan. Ganun magmahal sa bayan, hindi kailangang iutos ng batas o ng kahit na sino.

Ano ang mapapala kung maging batas na ito? Mapigilan kaya nito ang mga artista o mga propesyunal na mang-aawit na umawit sa sarili nilang bersyon? Baka nga maging target pa ito ng pagtutol ng mga taong gustong sumalungat sa umiiral na kalagayan para lamang maiba. Totoong nagawa ni Charice na kantahin ang “Lupang Hinirang” nang ayon sa tempo at maganda rin naman. Pero si Charice iyon, at desisyon niya iyon. Paano ‘yung mga naniniwalang meron silang “artistic license” na kumanta ng bersyong hindi naman nalalayo sa orihinal pero “may tatak” nila.

Binibigyan daw ng ngipin ng panukalang batas ang kampanya ng gobyerno na palaganapin ang patriotismo o pagiging makabayan sa pamamagitan ng pagkanta sa Pambansang Awit “nang tama.” At masakit ring kumagat ang ngipin dahil ikukulong ng dalawang taon ang matitigas ang ulong susuway at pagmumultahin pa ng P100,000.

Pwede pa rin namang humirit ang mga artista dahil kelangan pa itong aprubahan ng Senado at pirmahan ni PNoy bago maging batas. Pero sa naging takbo nito sa Bahay, na wala man lamang ni impit na pagtutol, malamang na makapasa ito sa Senado at ayos na ang butu-buto. Walang gustong tumutol dito dahil baka mapagkamalan pang taksil sa bayan at isang erehe.

Ang sigurado, meron pa ring mga komedyanteng magbabago ng letra nito o kakanta sa ibang tempo, gaya ng rap, pero palihim na ito at hindi iparirinig sa mga tagapagbantay ng ating “yamang pangkultura.”

Nakakaburyong nga naman sa ibang tao na ang paligid ay puti’t itim lamang at ang pagkanta e may iisang tono. Hernan Melencio

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply