Huli ka kahit walang demanda, arrest warrant

BUMIGAY na nang tuluyan ang Korte Suprema sa batas na pinanday ni Gloripie noong nanunungkulan pa ito – ang Human Security Act na laban umano sa mga terorista.

Simula sa araw na maging pinal ang desisyon ng Korte Suprema na hindi labag sa 1987 Constitution ang anti-terorismong batas na Human Security Act of 2007, dapat nang mag-ingat ang lahat.

Sinasabi ng batas na ito na kapag idineklara kang terorista o yung organisasyon mo, pupuwede ka nang arestuhin at ikulong nang walang mandamiento de aresto.

Pupuwede ka ring arestuhin at ikulong nang walang demanda kahit suspetsa lang ang meron sa mga awtoridad. Mining tu sey, Suki, mabubulok ka sa kulungan nang hindi man lang maiharap sa hukuman para mapatunayan o hindi ang akusasyon laban sa iyo.

Kuwestiyonable rin ang pagkakaroon dito ng karapatan na magpiyansa.

Pero hindi lang ito ang posibleng mangyari. Posibleng maabuso ang batas.

May ugali pa naman ang ilang pulis, militar at iba pang awtoridad na bansagang terorista ang hindi nila gusto sa pagmumukha na kanilang kapitbahay.

Sa hanay ng mga organisasyon, may ugali ng ilang organisasyon na ituring na terorista ang kanilang mga kaagaw sa posisyon sa Kongreso o ibang ahensiya ng pamahalaan. Nagaganap ito sa hanay ng mga partylist na lumalahok sa mga halalan.

oOo

Sino-sino na ngayon ang mga terorista, huh?

Yung mga itinuturing na terorista ni Uncle Sam? Marahil sapagkat kung ano kasi ang ituturong terorista ni Uncle Sam, siya rin ang itinuturing ng mga parak, sundalo at taga-Malakanyang na terorista.

Noon pa mahilig na mahilig na magbansag ng terorista si Uncle Sam gaya ng mga Vietcong noong Vietnam war. Ngayon frends na sina Uncle Sam at ang mga teroristang Vietcong.

Ninong din umano ng terorismo si Saddam noon kaya umabot sa mahigit 100,000 Iraqi pinagbobomba sa kamatayan ni Uncle Sam sa Iraq para lang bumagsak si Saddam.

At sa repablik ni Juan, bukod kina Sabaya at Janjalani, itinuring din ni Uncle Sam na terorista ang mga puwersa ni Filipino General Vicente Lukban na tumalo sa kanila sa digmaan sa Balangiga, Samar noong taong 2001. Bilang ganti, pinasunog ang buong Samar ni Uncle Sam at halos walang natirang buhay sa lugar sa matinding massacre.

oOo

Ang nakikita natin, Suki, lalong mahahati ang lipunan ni Juan dahil sa aprubadong batas ng Hukuman. Yung mga kritiko ng mga pulis, militar at Palasyo ay pupuwedeng pag-initan, indibidwal man o organisasyon. Eh milyon ang bilang ng mga ito.

Kung ipagkakait sa kanila ang karapatan na magrali o maghayag ng kanilang reklamo o hinaing at ikukulong pa sila nang walang mandamiento at walang demanda, mapipilitan silang mamundok.

Ang nakatatakot ay ang araw na magising na lang tayo na wala na pala tayong kaibhan sa Afghanistan at  Pakistan na puro pulbura at kamatayan ang kanilang araw-araw na buhay. Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply