Huwag mong hayaan …

Para sa akin dapat tratuhin ng marami na mas mahalagang eleksyon ang baranggay eleksyon.  Dahil ang opisyal ng baranggay ang mas may kinalaman at mas may pakialam sa araw-araw na buhay ng bawat Pilipino.

Ang mga maliliit pero mahahalagang problema at pangangailangan sa isang komunidad kay Kap at kay Kagawad unang itinatakbo at si  Kap at si Kagawad ang unang  magbibigay ng solusyon. Ang mga baranggay officials ang mas may pandinig sa pulso ng masa kaya nga kahit para sa ibang pulitiko tulad ng Mayor at Congressman mahalaga ang baranngay eleksyon dahil importante kay Cong at kay Mayor na tao nila ang naka-pwesto sa mga baranggay at yun ay hindi dahil iniintindi ni Mayor at ni Cong ang pang araw-araw na kapakanan ng mga tao sa baranggay kundi dahil haliging pulitikal nila ang mga opisyal sa baranggay.

Dapat ang botohan ngayong araw na ito ang mas pinagtutuunan ng pansin ng mga botanteng Pilipino.

Kaya muli ang panawagan ko: Pumili ng karapat-dapat sa pwesto. Paulit-ulit na lang nating sinasabi na maging matalino sa pagpili pero para sa akin hindi masasayang ang kahit anong espasyo sa kolum ng mga peryodista sa bansa kung gagamitin sa paulit-ulit na pagpapaalala.

Iboto ang nagsilbi ng maayos sa komunidad at totoong magsisilbi sa taumbayan at hindi yung gagamitin lang ang pwesto para isilbi ang politikal na interes ni Mayor at ni Cong.  Iboto ang may karapatan at kakayahan hindi dahil anak o kamag-anak ni Mayor at mga bata ni Congressman.

Sobra naman sila kung pati ang sa baranggay ay hahawakan pa nila.  Kaya nga walang politikal na partido ang mga tumatakbo sa baranggay dahil nais ng batas na huwag na sana ma-politicized ang baranggay.

Pero kadalasan nagpapa-hawak pa rin sa mga nasa malalaking partido ang mga kandidato dahil sa pangangailangan ng campain funds. Kung tutuusin bakit pa ba kailangan ang malaking pera sa isang kampanya ng isang kandidato ng isang baranggay na pwesto.

Kung kilala ka ng mga ka-baranggay mo na talagang nagsisilbi at masipag sa pagtupad sa iyong tungkulin sapat na sana iyon para ikaw ang iboto sa pwestong tinatakbuhan mo diba?  Pero kailangan pang maging mas mature ng ating mga botante sa aspetong ito. Kaya nga kailangan nang paulit-ulit na paalala.

Kapag binoto mo ang isang baranggay opisyal na nagpapagamit lang sa isang malaking pulitiko, para ka na ring nagpagamit.  Kung pinili mo ang iginigiit ni Mayor at ni Cong, at hindi ang kung sino ang gusto mo at alam mo na mas makakatulong sa baranggay, para kang naisahan na naman.

Kung hindi ka pa bumoto habang binabasa mo ito, aba bumoto ka na.  Sino ang tatakbuhan mo kung magka problema ang komunidad mo tungkol sa tubig, basura, kriminalidad at kung anu-ano pa kung hahayaan mo na huwag maipwesto ang sa palagay mo ay makakatulong sayo at sa mga ka-baranggay mo. Mahalaga ang botohan ngayong araw na ito – Go out and vote!

Mag-text po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa 09215186724. O kaya ay email sa: ariel.inton@gmail.com. Atty. Ariel Enrile-Inton

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply