Imbes P7B, Pag-IBIG fund scam nabistong P12.6B

HINDI  pala P7.1 bilyon lamang ang anomalyang nagaganap sa Pag-IBIG funds sa pagtatayo ng dalawang housing project sa Pampanga noong nakaraang administrasyon, kundi lumobo ito sa P12.6 bilyon.

Natuklasan ng Senate committee on financial institutions sa pamumuno ni Sen. Serge Osmena III na hindi lamang pala P7.1 bilyon ang pagkakautang ng Globe Asiatique Realty Holdings Corporation na pag-aari ni Delfin Lee, nagpatayo ng housing project sa Pampanga, kundi P12.586 bilyon.

Dahil dito, inatasan ni Senate President Juan Ponce Enrile ang bagong pamunuan ng Home Development Mutual Funds o Pag-IBIG na kasuhan kaagad si Lee na sangkot sa housing funds fiasco.

“Dapat kasuhan na kaagad si Delfin Lee sa pamemeke ng pangalan ng borrowers sa Pag-IBIG na karamihan ay sumakabilang-buhay na,” ayon kay Enrile.

Tulad ni dating Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) chairman, dating Vice President Noli “Kabayan” de Castro, pinabulaanan din ni Lee ang paratang ni Enrile dahil legal at above board ang pangyayari sa naturang proyekto.

“Kung may sapat na ebidensiyang hawak ang Pag-IBIG na magpapatunay na pineke ni Lee ang listahan ng buyer/borrower, dapat kasuhan na kaagad ang may-ari ng naturang kompanya,” giit pa ni Enrile.

Nagpatayo ng dalawang housing project ang Pag-IBIG sa Pampanga, ang Xevera I and II, ngunit lumilitaw na daan-daang pangalan ng borrowers ang hindi matukoy kung saan nakatira, may di kumpledo ang  dokumento kaya’t nakatiwang-wang ang naturang housing project.

Ayon naman kay De Castro na walang malisya o hidden agenda sa pagpapatayo ng naturang proyekto na walang ibang tanging layunin kundi mabigyan ng pabahay ang ating mamamayan. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply