Jolo Revilla, wagi bilang Barangay Captain ng Cavite

MAY mahika na naman ang apelyidong Revilla hindi lang sa showbiz kundi sa showbiz na showbiz ding pulitika.

Ito ay dahil panalo si Jolo Revilla, ang anak nina Ramon “Bong” Revilla, Jr., isa sa mga senador ng bayan at Lani Mercado na isang kongresista, sa katatapos na Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa buong Pilipinas.

Hapon pa lang ay madaling nabilang ang mga boto kay Jolo at sa lahat ng mga kandidato sa distritong ‘yon ng lalawigan.

Kaya marami na agad ang bumati kay Revilla sa kanyang tagumpay sa kauna-unahang pagtakbo sa isang pampublikong puwesto.

Nagbunga ang lahat ng pagpupunyagi at impluwensiya ni Jolo sa kanyang mga kababayan.

***

Maagang nangampanya si Jolo sa kanyang barangay kaya naman nakatatak agad sa isip at puso ng mga residente ang kanyang pangalan at kamalayan.

Isa pa’y nakatutok sa kanya ang media at pag nakalatag ang mukha at pangalan ng isang kandidato sa barangay sa telebisyon at babasahin lalo na’t sa basikong pulitika ng pinakamaliit na yunit ng pamumuno, may laban ang isang may exposure sa media.

Nakabantay din sa kanya ang mga lokal na opisyal na kaanak niya halimbawa’y si Strike Revilla na kanyang tiyo na alkalde ng Bacoor, Cavite at ang kanyang inang si Lani na sumasakop sa kongresyunal na lugar na ‘yon.

***

Samantala, habang sinusulat namin ang kolum na ito ay hindi pa natatapos ang bilangan sa Barangay San Agustin sa Novaliches sa Quezon City kung saan tumakbong kagawad ng barangay ang action star na si Dan Alvaro.

“Wala pang resulta. Bilangan pa, e. Pero nasa top ten ako sa bilangan. Hayaan mo, iti-text agad kita ‘pag anuman ang resulta,” pahayag ni Dan.

Nais ni Alvaro na makapaglingkod sa kanyang mga kababayan at ka-barangay sa oras na siya ay mahalal.

Naniniwala si Dan na makapagbibigay siya ng pagsulong sa komunidad sa pamamagitan ng acting workshop, mga kultural na proyekto, mga pan-showbiz na paglilingkod sa kapwa.

Bakit pa rin nga ba siya kumandidato bukod sa nauna nang mga layunin?

“Kasi, gusto ko, laging nasa sirkulasyon. Siyempre, pag nasa pulitika ka, nasa sirkulasyon ka,” pahayag ni Alvaro.

Matatandaan na natalo si Dan bilang konsehal noong nakaraang council polls sa lunsod pero hindi nawalan ng lakas ng loob ang bituin na tumakbo muli.

“Marami ngang nagsasabi na dapat ay barangay captain ang kinandidatuhan ko pero ang sabi ko naman, ayaw kong kalabanin ‘yong incumbent namin dahil abugado ‘yon at kaibigan ko,” paliwanag ng aktor na pinasikat ng peryodistang pampelikulang si Dennis Adobas.

***

Sumugal din sa pagka-SK chairman si Wynwyn Marquez, ang anak nina Alma Moreno at Joey Marquez na mukhang bata pa’y sinasanay na ng kanyang mga magulang sa maigting na tunggalian sa showbiz na showbiz na pulitika.

Walang pagkakaiba ang dalawang larangan dahil parehong madrama, madula, matunggali, malawak, malalim, makulay, matalinghaga at iba pang showbiz na showbiz na katangian.

Kandidato naman sa pagka-barangay captain ang kapatid sa ama ni Wynwyn na si Jeremy Marquez sa Parañaque City.

At ang dalawang “maliliit” na persona na sina Kuhol at Dagul, mga kandidato rin sa pagka-kagawad.

Wala anila sa laki ang paglilingkod sa bayan kundi sa magandang pamamalakad sa pamahalaan.

Nagbalik din sa kanyang teritoryo sa barangay si Jigo Garcia pagkatapos matalo sa local elections sa konseho ng Kyusi.

Ang peryodistang pampelikula na si Gary Sta. Ana ay ayaw paawat sa pagka-board member ng barangay sa Pasig City. Boy Villasanta

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply