Jueteng ‘payola’ pinatataas lang; suweldo ng PNP trainees na-chop-chop

HABANG mainit na tinatalakay sa Senado ang isyu sa jueteng, sinasamantala naman ito ng mga batikang jueteng lords lalo na sa mga lalawigan ng Laguna, Pampanga, Pangasinan, Batangas, Bulacan, Nueva Ecija at Quezon kung saan estilo ng jueteng din ang ginagawang pagpapataya nila ng Small Town Lottery (STL) na nagsisilbing “front” ng kanilang jueteng operations.

Kinumpirma ito sa pamamagitan ng text messages ng mga sumusubaybay sa inyong lingkod mula sa mga nabanggit na lalawigan na itinuturing din na may pinakamataas na arawang kubransa ng jueteng.

‘Yan ay bago pa magdeklara ang Philippine National Police ng “all-out” laban sa pesteng sugal at “one-strike policy” sa sinumang opisyal ng PNP na mahuhuling nagsisilbi bilang “coddler” o “protektor” ng iligal na sugal.

Sa mga detalyeng inihayag ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga nagdaang hearing, malinaw na ang lalawigan ng Laguna ang may pinakamataas na koleksyon ng jueteng (P14 milyon) habang sumusunod naman ang Pampanga at Pangasinan na kapwa may P9 milyon kubransa o gross sales ng jueteng.

Hindi rin nagkakalayo ang Batangas at Bulacan na kapwa may mahigit sa P8 milyon ang kinikita ng jueteng sa araw-araw habang ang Nueva Ecija at Quezon ay may tumataginting na P7.5 milyon kubransa araw-araw.

Sa Isabela, Nueva Vizcaya, Bataan, Camarines Sur at Norte, at maging sa Cavite at Oriental Mindoro ay may mga napapabalitang kubransa pa rin ng jueteng gamit bilang “front” ang STL.

Paano nga naman huhulihin ang mga kubrador ng jueteng kung gamit nila ay ID ng kumpanya ng STL na awtorisado ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO)?

Sa mga nangyayari ngayon, mukhang ang Metro Manila lang ang natatanging walang jueteng. Hindi ko lang sigurado sa Camanava area (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela) kung saan napapabalitang tuloy pa rin ang lingguhang payolang tinatanggap umano ng Northern Police District (NPD) headquarters mula sa mga
iligal na pasugalan.

Ayon sa kuwento ng isang katoto na sanay sa kalakaran sa Camanava area, isang PO3 Aguas daw umano ang nagsisilbing “kolektor” ng NPD ng “tong-pats” mula sa mga iligalista sa nasabing lugar.

Kung totoo ang sumbong na ito sa akin na kalat pa rin ang jueteng sa mga lalawigan na aking binanggit, nangangahulugan lang na walang “epekto” o “dating” ang banta o pag-uutos ni PNP chief General Raul Bacalzo sa kanyang mga opisyales na itigil ang iligal na sugal.

O baka naman may katotohanan ang nasagap kong impormasyon na lalo pang “tumaas” ang halaga ng buwanang intelihensiya na tinatanggap ng mga tiwaling regional commanders at mga hepe ng provincial police?

Sa tingin ko, ngayong linggo ay matutuldukan na naman ang imbestigasyon ng Senado sa jueteng at tulad ng dati, tanging ang Palasyo ng Malakanyang ang magdedesisyon kung ano ang nararapat dito – kung gagawing ligal o hindi ang jueteng.

Nakakasawa na kasi ang isyu sa jueteng. Maraming oras ng mga mambabatas natin ang nasasayang dahil lamang sa sugal na ito na may ilang dekada na ring pinagde-debatehan sa Kongreso.

Maniniwala ba kayo na ilang linggo lang mula ngayon ay “full-blast” na namang muli ang operasyon ng jueteng sa Luzon, Visayas at Mindanao?

Para sa akin, gawing ligal na lang ang jueteng. Alisin ang STL. Tutal, lugi na ito sa umpisa pa lang.

Huwag nang baguhin pa ang pangalan ng sugal na ito dahil nakatatak na ito sa isip ng milyun-milyong Pilipino na nagugumon dito.

Kung maging ligal ang jueteng, tiyak na maraming buwis ang papasok sa kaban ng yaman ng pamahalaan.

Marami rin ang tiyak na malulungkot kapag nagging ligal ang jueteng lalo na ang ilan sa mga opisyal ng PCSO na, ayon kay Sen. Miriam Santiago, ay tumatanggap din ng payola mula sa mga jueteng lords.

Pansamantala, kailangan munang mabusisi ng gobyerno ang yaman ng mga gambling lords na ito na naging “super” bilyonaryo dahil sa iligal na sugal-lupa!

* * * * * * * *
Isang texter – na kundi ako nagkakamali ay isang police trainee – ang nagsumbong sa atin na hanggang ngayon daw ay kalahati pa lamang ng kanilang sahod o allowance para sa buwan ng Hulyo ang kanilang natatanggap. Oktubre na ngayon at wala pa rin daw silang balita kung kailan nila makukuha ang natitirang balanse para sa buwan ng Hulyo! Susmaryosep, pati ba naman ang maliliit na suweldo o allowance ng mga trainee nating pulis ay “natsa-chop chop” pa? Paki-imbestigahan mo po ito, General Raul Bacalzo!

* * * * * * * *

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply