K+12: Sa kalbaryo muna saka ka ipapako sa krus

ALAM kaya nina Bro. Armin Luistro sa Department of Education ang ibig sabihin ng pag-transfer ng maraming estudyante mula sa mga private school sa mga public school?

Hindi yata! Bakit kanyo?

Kasi, Suki, sa kanilang programang K+12, gagawing kalbaryo nina Luistro ang buhay ng mga estudyante at magulang ng mga ito ngunit itutuloy raw nila ito.

Pero bago natin tingnan na kalbaryo ang programa, pahapyawan muna natin ito.

Sabi nila sa DepEd, magiging mandatory o sapilitan na ang pagkuha ng mga bata sa kindergarten bago sila makapasok bilang Grade 1 sa public school. Kaya may “K” (Kindergarten) sa programa.

Pagkatapos ay bubunuin nila ang 6 na taon sa elementarya na susundan ng 4 na taong haiskul.
Makaraan nito, mga Bro, idadagdag na ang dalawang taong high school na tatawaging Junior High School.

Dito makukumpleto ang K+12 na programa at bale bubuno ang estudyante ng 13 taon mula sa kindergarten hanggang high school bago siya makapasok sa kolehiyo.

Ngayon, mga Bro, habang tinitingnan ko ang haba ng programa sa sinasabi nilang basic education, hinihingal ako.

Eh paano ang mga lumilipat mula sa private school sa public school? Sa halip na makatipid sila, madadamay rin sila.

Paano rin ang higit na nakararami, in fact milyon-milyong pumasok sa public school dahil doon lang sila makaaasa na makapag-aral dahil malayong mas malaki ang kabawasan sa gastusin kumpara sa una?

Ano-ano ang mga gastusin? May pamasahe lalo na sa parte ng mga nasa malalayong distansiya sa lugar. Napakabigat ito lalo na kung pumasok ang bata ng 2 times sa isang araw.

Ang baon nila, gastos sa papel, notebook, projects, projects ng Parents Teachers Association, field trip, uniporme paano?

Paano ang mga magulang na pahirap nang pahirap ng buhay dahil sa baba ng sahod, kontraktuwalisasyon at iba pang kamalasan?

Itong mga putakte sa DepEd, palibhasa’y nabubuhay sila nang marangya at kaya nilang gumastos ng daang libo at milyon sa pag-aaral ng kanilang mga anak ay tila walang kaluluwa.

Ginagawa nilang kalbaryo ang buhay ng nakararami saka nila ipapako sa krus.

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.

Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph. Benny Antiporda

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply