Kahit terorista ang titser noon hindi pinapatay

ANO-ANO na kaya ang nagaganap sa pagitan ng mga estudyante at titser ngayon?

Kaugnay ito, Suki, ng magkasunod na pagpatay ng mga estudyante sa kanilang mga guro.

Halos hindi tayo makakonek sa mga pangyayari.

Wataymen, kung pulis ang pinapatay ng mga kriminal, madaling maintindihan.

Gayundin ang mga militar at espiya ng mga ito na tinutumba ng sa kahit saan ng mga rebelde.

Madali nating maintindihan na may mga giyera sa krimen, pulitika at idolohiya.

Pero itong pagpatay kina sir at madam, ano yan, huh?

oOo

Ang pagpaslang umano ni  Brian Mallorca, isang estudyante, at ni Nico Paul Cabuyao, kapwa residente ng Brgy. Centro, Sanchez Mira, Cagayan kay Oscar Saanen, 38, at  nagtuturo sa isang iskul sa nasabing bayan ang huling pangyayari.

Pinagpapalo ng mga matitigas na bagay si Saanen at natagpuan ang kanyang bangkay sa isang bakanteng lote sa nasabing bayan.

Nauna rito, pinagsasaksak hanggang sa mamamatay si Teodora Soner, guro ng Manuel Quezon High School  sa Caloocan City.

Isang 15 anyos na kanyang estudyante ang inginusong suspek sa krimen.

oOo

Ang totoo, ngayon lang tayo nakababalita ng mga gurong pinagpapatay ng kanilang mga estudyante.

Ayon sa ulat, nakipag-inuman umano si Saanen sa mga suspek bago naganap ang krimen.

Napagsabihan naman umano ni Soner ang suspek na dapat magpagupit ito kung hindi ay ipaaalam nito sa kanyang mga magulang na miyembro ito ng fraternity.

Wala pa talagang malinaw na motibo sa mga pagpatay bagama’t naaresto na ang mga suspek.

Lalabas na lang siguro ang mga ito sa kalagitnaan ng pag-uusig ng mga hukuman sa kaso.

Yun ay kung aakyat sa hukuman ang mga kaso dahil pupuwedeng magkaroon ng aregluhan sa pagitan ng mga biktima at suspek.

oOo

Hindi talaga madaling matanggap na kamatayan ang iginagawad ng mga estudyante sa kanilang mga guro sa kanilang hindi pagkakaintindihan.

Bakit nga ba humahantong sa nakatatakot na kalagayan ang isipan ng ilang estudyante at sa kanilang mga guro pa ibinubunton?

Maalaala ko pa, lagpas langit ang respeto natin sa mga guro.

Kahit na terorista pa ang mga ito sa kanilang mga estudyante, walang nangangahas na pagpapatayin ang mga ito.

Op kors may mga inirereklamo sa mga kinauukulan at may natatanggal sa mga ito sa trabaho pero hindi umaabot ang sukdulan sa mga pamamaslang.

Beri sweet nga ang mga reunion sa pagitan ng mga titser na terorista at loko-lokong estudyante na sa wakas ay nakatatapos din sa kabila ng lahat.

Anoman ang nagaganap, saludo pa rin tayo kina sir at madam. Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply