Kailan dapat manahimik sa tabi?

SAMPUNG taon na ang nakararaan ay pinag-uusapan na ng editorial team ng magasin na Sunday Paper ang relasyon ng kakapiranggot na buwis na nakokolekta ng gobyerno at ang pangangailangan ng bayan, partikular ang mga nangangailangang naghihikahos.

Sayang at nagsara agad ang nabanggit na babasahin, na hinangaan pa naman ng marami noon, hindi naman sa pagbubuhat ng bangko.

Naalala ko lang ang impormasyong ito ngayon at sumabog na nang tuluyan ang isyu ng Reproductive Health Bill, na naglalayong tugunan ang lumolobong bilang ng populasyon ng Pilipinas.

Mainam sigurong balikan ang panukalang espesyal na ulat na ito at tingnan kung kakayaning i-research, isulat at ilathala. Ano ang malay natin, hindi man tayo magulat sa mababasa (dahil nararamdaman naman na natin ang kakulangan ng pampondo sa mga batayang serbisyo ng gobyerno) at malilinawan naman tayo.

Mahirap kasing magsalita nang walang basehan.

Sabi ng Simbahang Katoliko, imoral ang RH bill, partikular ang maliit na seksyon nito na nag-i-encourage na gumamit ng mga artificial birth control devices tulad ng condom.

Ang kontra ng iba, tulad ng kontrobersyal ngayon na si Carlos Celdran, isang tourist guide na mahigpit na tagasuporta ng RH bill, mabuti pang tumahimik na lang ang mga Katolikong Obispo.

Kaya interesado akong bisitahin muli ang dati nang pinlanong artikulo para mas matibay ang tinutuntungan kung sakali mang pumaloob na ng tuluyan sa mainit na debate.

0o0o0

Ang hindi pwedeng pagdebatihan ay ang katotohanang may tungkulin ang lahat upang mapaayos ang ating gobyerno. Ang papel natin bilang mga mamamayan ay hindi tuwing eleksyon lang.

Ang eleksyon ay isang okasyon lamang kung kailan binibigyan tayo ng batas ng pagkakataong piliin ang mga pulitikong manghuhuthot sa kaban ng bayan.

Kailangan nating umisip ng tamang gagawin upang makatulong sa mga kapwa, lalo na ang mahihirap.

Kahapon, sa sermon ni Architect Aurea C. Ravelo sa aming maliit na simbahang Del Monte United Methodist Church, binanggit na obligasyon ng bawat laykong Kristiyano ang humanap ng kanyang sariling paraan ng pagtulong sa kapwa.

Ibinahagi ni Aurea na ang personal niyang paraan ay ang aktibong pagsali sa grupong Association of Families with Pediatric Liver Disease.

May anak din siyang nagkaroon ng ganitong sakit. Sa awa ng Diyos, maayos na napa-opera ito at magaling na. Pero marami ang hindi ganoon kasuwerte.

Patuloy siyang nag-aaktibo sa organisasyon dahil ibig niyang magbigay ng lakas ng loob sa ibang magulang na dumadaan sa pinagdaanan niya. Alam niyang napakahirap ng proseso kung walang suporta.

Sa kanyang mensahe, nagpasalamat din siya partikular sa ating publisher na si Benny Antiporda, na patuloy at tahimik na tumutulong at gumagastos upang mapaopera ang ilang batang may-sakit sa Taiwan.

0o0o0

Isa lang ito sa maraming paraan upang tumulong sa kapwa. Napakarami pa. Bahala ang bawat isa pumili ng sariling paraan.

At hindi monopolyo ng mga kleriko ang kaalaman kung ano ang tama o mali, ang moral at imoral.

Sa maraming pagkakataon, mas malinaw pa sa isip at puso ng mga layko kung kailan dapat magsalita at kumilos  at kung kailan dapat manahimik at umupo na lamang sa tabi. Fort Nicolas

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply