Kalabaw maaaring mag-amok sa toll hike

NAMUMURO na ang kalbaryo at gutom kay Juan sa pag-aprub ng gobyerno ni PNoy sa toll hike sa lahat ng mga superhaywey sa bansa.

Kahit saan mo tingnan, magaganap at magaganap ito.

Pero ang toll hike ay hindi ordinaryong kalbaryo.

Kung ang kalbaryo na dinanas noon ni Kristo ay pang-ilang oras lang makaraan siyang mahatulan ng bitay, ang kalbaryo sa toll hike ay 30 taon.

Nasa 30 taon kasi, Suki, ang ibinibigay na prangkisa ng gobyerno sa mga operator ng superhaywey para umano makabawi at kumita ng kahit “kaunti” sa kanilang mga puhunan.

Bukod sa biglang pagtaas sa doble o triple ng toll sa kanilang pagbubukas, may pribilehiyo pa ang mga operator na magtaas  nito habang lumalakad ang panahon.

Sa kalbaryong ito mararanasan ni Juan ang walang kapantay na paghihirap at luluha siya ng dugo sa mga huling araw.

Bakit? Sino ang hindi luluha ng dugo sa paghahanapbuhay nang walang maiiwan para sa sarili at pamilya, huh?

oOo

Dito natin idudugtong, Suki, ang tiyak na gutom na mararanasan ni Juan.

At ikokonsentreyt natin ang magaganap sa magtata-as na toll sa South Luzon Expressway.

Para sa mga jeepney, taxi, bus at iba pang mga pampasaherong may patakarang boundari, patay ang mga drayber at operator.

Halimbawang apat ang kanilang rawn trip sa maghapon na pamamasada, lalamunin lang ng toll ang dapat sana’y kita ng mga drayber.

Paano? Heto. Kung apat ang rawn trip, nangangahulugan na walong beses na papasok ang jeepney sa haywey.

Dahil may toll hike na P55 o dagdag na bayarin kada pasok, aabot ang babayarang toll ng drayber sa P450.

Susmaryosep, alam ba nina PNoy, mga Hukom sa Korte Suprema at mga taga-Toll Regulatory Board na mas malaki pa ang toll hike sa dapat sanang kikitain ng drayber?

Suwerti na, Suki, kung kumikita ang drayber sa maghapong pamamasada ng P300.

Pagkatapos ay lalamunin lang ng toll hike.

Eh paano ang mga FX, ang mga bus at iba pang pampasaherong sasakyang gagamit sa SLEX at iba pang superhaywey?

Kakambal, Suki, ng toll hike ang sobra na ring mahal na mga produktong petrolyo.

Nandiyan din ang mga sobrang mahal na sinisingil ng mga traffic enforcer sa mga ipinupuwersang traffic violation ng mga drayber, bukod pa sa mga tongpats.

Ang isang masakit dito, hindi basta pumapayag ang gobyerno na magtaas ang mga pampasaherong sasakyan ng pamasahe.

Kapag magpatuloy ang ganitong kalakaran, muling mapatutunayan ang sinasabi ng mga sarbey na tanging ang mga malalaking negosyante, kasama ang gobyerno,  ang kumikita at hindi ang mga maliliit.

Kung ipipilit ng gobyerno ang sobrang toll hike, dapat nitong pahintulutan ang fare hike.

Pag di magawan ng paraan ang problema, tunay namang paghihirap at gutom ang susunod mangyayari sa marami at nakatatakot isiping ang gutom na tao ay ‘di nakakikilala maging ng Diyos. Rey Briones

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply