Kara o Krus

May ilang kaso ng resulta ng nakaraang baranggay eleksyon na patas ang naging bilangan ng boto sa pagitan ng dalawang kandidato.

Sa isang baranggay sa Siargao at sa Bataan halimbawa, at meron din sa QC, pareho ang bilang ng nakuhang boto ng dalawang nangungunang kandidato.  At para ma-break ang tie, at madesisyunan kung sino ang panalo gayong pareho ang bilang ng nakuhang boto, nag toss coin o kara o krus.

Syempre bago ginawa ang kara o krus, pumayag muna ang dalawang panig na ito nga ang gamiting paraan para madesisyunan kung sino sa dalawang kandidato ang uupo sa pwesto ng baranggay kapitan.

Ang paraang ito ng kara o krus ay ligal at naaayon naman sa panuntunan ng COMELEC.  Dahil nga naman mahirap nang ulitin pa ang botohan para lang magkapag desisyon ng kung sino ang panalo sa dalawang kandidato na pareho ang nakuhang boto, sinangayunan ng batas ang paraan ng toss coin para ma-break ang tie.

Sabi nga nung nanalo sa Siargao, “destiny” daw talaga o kapalaran na ang nagpasya.

Pero ano naman ang pakiramdam ng natalo sa toss coin. Parang puno ng panghihinayang ang natalo dun sa baranggay sa Bataan.

Sa hirap nga naman ng kanyang pangangampanya at sa haba ng panahong ginugol nya para sa panliligaw ng boto para sa halalan, ang lahat ay madedesisyunan lang ng kara o krus.

Kung sa bagay, ang ibig sabihin lang sa mga nag-tie ay pareho sila halos na gusto ng kanilang baranggay, walang itulak kabigin sa kanila kaya pareho sila ng bilang ng nakuhang boto. At sa siwasyong ganun, ang isang simpleng paghahagis ng barya ay pwede na ngang magdetermina ng magandang kinabukasan ng baranggay dahil sino man ang manalo ay gusto pa rin ng marami sa kanilang lugar.

Pero mas maganda rin siguro kung may klarong sistema sa ating election rules na pwedeng mag-break ng tie na hindi toss coin o kara-krus ang ginagamit.

Halimbawa magkaroon man lang ng run-off election. Halimbawa kung 4 ang kandidato at ang dalawang nangunguna ay nakakuka pareho ng tig-isang daang boto samantalang ang pangatlong kandidato at ang pang-apat ay nakakuha halimbawa ng 30 at 20 boto bawat isa.

Sa run-off election, yung dalawang nakakuha pareho ng tig-100 na lang ang kasali sa ulit na botohan. Para kahit papano ay mandato pa rin ng tao ang tie-breaker hindi toss coin.  Mas okay sana kung ganun ang sistema.

Pero gastos na naman yun, siguradong irereklamo ng iba, at sa hindi matapus-tapos na pinakikitang kapalpakan ng COMELEC sa ordinaryong sistema pa lang ng halalan, baka hindi na nga maarok pa ng kanilang kakayahan ang run-off election tuwing may tie sa mga kandidato.

000

Panahon na naman po ng undas. Samantalahin natin ang pagkakataong ito upang ipagdasal ang ating mga yumaong mahal sa buhay ng may kataimtiman at puno ng pagmamahal at pag-alala sa naging bahagi nila sa ating buhay.

Mag-text po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa 09215186724. O kaya ay email sa: ariel.inton@gmail.com.  Atty. Ariel Enrile-Inton

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply