Kontrata ng 20 towing firms tinapos ng MMDA

KINANSELA na ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang kontrata ng 20 pribadong towing company matapos itong makatanggap ng napakaraming reklamo ng pang-aabuso sa paghatak ng mga sasakyan sa EDSA at sa iba pang pangunahing lansangan sa Kamaynilaan.

Gayunman, 13 sa mga pribadong towing companies ang binigyan ng pansamantalang permiso ni Tolentino na tatagal lamang ng isang buwan habang sinusuri pang mabuti ang rekord at pagsasagawa ng wastong operasyon.

Kabilang sa tuluyang binawian ng permiso at hindi na binigyan ng karapatang humatak ng mga sasakyan ay ang NJP Towing Services na naka-base sa Pasig City; JGFC Towing Services sa Project 6, Quezon City; Lard Towing Services, Edsa-Cubao, Quezon City; JEARLM Towing Services, Commonwealth Avenue, Quezon City; Road Eye Towing Services sa Novaliches, Quezon City; CD3 Monde Towing Services, San Juan, Taytay; at Mac & Paul Towing Services sa Sta. Mesa, Manila.

Nilinaw ni Tolentino na ang pitong nabanggit na towing companies ay hindi na papayagan pang makapagsagawa ng operasyon o humatak ng sasakyan sa Metro Manila, hindi tulad ng 13 kompanya na may isang buwan pang palugit habang isinasailalim sa masusing pagsusuri.

Sumisingil ng P4,500 ang pitong towing companies sa mga nahihilang bus gayung P1,200 lamang ang itinatakdang halaga.

Bukod dito, gumagamit din ang mga ito ng mga impounding area na hindi naman pinahihintulutan ng MMDA.

Sinabi ni Tolentino na tanging sa impounding area lamang ng MMDA sa Ultra I at II sa Pasig City dapat dinadala ng mga towing companies ang mga nai-impound na sasakyan. Johnny F. Arasga

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply