Korap kunin na sana ni Lord ngayong Undas

TALAGA yatang walang kaluluwa ang mga korap.

Por eksampol sa lalawigan ni Manong Joe de Venecia sa Pangasinan.

May gumagawa o namumuhunan na mga Hapon para gawin ang Agno River Flood Control Project sa mga bayan ng Sto. at San Nicolas.

Biglang umatras ang mga ito, Suki.

Ang dahilan?

May gustong magkatongpats…ang mga korap at wala nang iba pa.

Para hindi sila malugi at maipit kung sakaling magkabukingan at magkaroon ng imbestigasyon, binawi na ng mga Hapon ang lahat.

Hayun at nakatiwangwang na ang proyekto.

Ngayon ay mananating maging bahain ang Pangasinan dahil sa laging pag-apaw ng Agno River na ang tubig ay galing pa sa mga kabundukan ng Benguet.

Lalo na kung may siyam-siyam na ulan at maulang bagyo.

Kung may mga malawakang baha sa Luzon, kasama lagi ang lalawigan ni Manong Joe DV.

Maya’t maya na lang, eh, nagdedeklara naman ang Pangasinan ng isteyt op emergensi.

Nag-isteyt op emergensi noong nanalasa sina Ondoy at Pepeng nitong nakaraang taon.

Nitong nakalipas lamang na bagyong Juan, nagdeklara na naman ng emergensi.

Aba, mauubos ang pondo ng gobyerno dahil sa grabeng baha na lagi na lang nagaganap dito.

Ang masakit dito, hindi lang ang gobyerno ang maghihirap.

Higit na maghihirap ang mamamayan dahil nasisira ang kanilang mga hanapbuhay mula sa pagsasaka at palaisdaan hanggang sa komersyo at transportasyon.

oOo

Itong si Bokal Ranjit Shahani mismo ang nagsabi na  may mga korap na gustong magka-tongpats sa pondo ng proyekto.

Para malaman ang buong katotohanan, dapat na  isailalim ito sa imbestigasyon para makilala ang mga korap.

Kung makikilala na ang mga ito, idiaryo sila lahat, gapusin ang mga ito saka lunurin at ipakuha kay Lord ngayong Undas.

Hindi pupuwedeng ganito na lang palagi ang magaganap.

Palagay natin, hindi basta pabayaan ng mga kinauukulan ang isyu ng korapsyon sa lalawigan.

Dapat tingnan kung may mga lokal na opisyal na sangkot.

Subalit karaniwang may kaugnayan ang mga pambansang opisyal sa ganitong mga proyekto dahil bilyon-bilyong piso ang gastusin dito.

Ang ganitong halaga ay umaabot ang aprubal mula sa mga kongresman at senador hanggang sa Palasyo.

Derpor, sinong mga kongresman, senador at taga-Palasyo ang sangkot, huh?

Maaari ring may iba pang mga maiimpluwensiya na sumasawsaw sa proyekto para magkatongpats.

Dapat alamin na rin kung nakatali na tayo sa kontrata sa mga Hapon o hindi.

Kung nanalo sa subasta ang mga Hapon at utang ang puhunan dito, aba, magbabayad ang gobyerno ng mahal.

Saan nanggagaling ang pambayad ng gobyerno, aber?

Walang iba kundi sa mga kaawa-awang mamamayan na laging sinasalanta ng baha dahil sa kawalan ng mga flood control project gaya ng Agno River Flood Control.

Nasisira na nga ang buhay nila sa baha, sinisingilan pa sila ng buwis na may EVAT para may pambayad sa utang. Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply