Lantarang insulto na nga ba ito?

UNA ko nang ipinahayag ang isyu ng PhilWeb at PAGCOR noong Agosto sa isang kolum ko na pinamagatang – niloloko ba ng Philweb ang QC?

Pumutok na naman ang isyu, at sa pagkakataong ito, ang Commission on Audit na mismo o COA ang nagsasabing lugi ang bayan, lalo ang lokal na pamahalan, sa klase ng hatian ng kita ng Philweb at Pagcor at ng host city o kung saan nag-o-operate ang mga e-games o online casinos.

Lumabas na sa mga pangunahing pahayagan sa bansa ang pahayag ng COA na hindi patas ang hati ng kita at baka nga agrabyado ang bayan kaya may mga panukala ang COA kung paano dapat ayusin ng Philweb at PAGCOR ang kwentahan ng kita at kwentahan na rin siguro ng tax na binabayad sa bawat lungsod na may e-games.

Natutuwa ako at nabuhay ang isyu dahil talagang malaking pera ang pinag-uusapan dito na makakatulong ng malaki sa mga taga lungsod.

Sa QC na lang, may hinahabol ang lokal na pamahalaan ng lungsod na humigit-kumulang P100 million na hindi pa daw nabayarang buwis sa pamahalaan ng QC mula sa operasyon ng mga e-games.

Kung iisipan nga pwedeng bansagan na big time tax evasion case ito.  Ayon po kasi sa batas, dapat ay nagbabayad ang mga e-games operators ng 3% tax sa pamahalaang lungsod kung saan sila may mga negosyo.

Ang kaso nga, at ang isyu dito, ay hindi naman daw nag-de-deklara ang mga e-games operators ng totoo nilang kita kung saan dapat pagbasehan ng mga tax na dapat nilang bayaran sa lungsod.

Halimbawa, sa pag-i-imbestiga namin, noong unang pumutok ang isyung ito, may nalaman kaming isang e-game operator na nag-declare ng gross na earning, para sa tax, ng P3 milyon, yun pala ang kinita nya ay P93 milyon.  Isang e-game operator pa lang yun samantalang may halos 22 e-game operators dito sa QC pa lang.

Ang aming suspetsa noon pa, sadyang hindi dinedeklara ang tunay at buong kita para makaiwas sa dapat na tax na kailangang bayaran, ang wastong tax na obligasyon nila sa mga host cities gaya ng QC.  Kaya naman ang rekomendasyon ng COA ay pag-aral at repasuhin ang batas sa pag-o-operate ng mga internet gaming para mas makinabang ang bayan sa pera na galing sa mga online casinos.

Ang kaso binabalewala yata ng liderato ng Philweb ang resulta ng pag-aaral ng COA, lumang isyu na daw ito at hindi daw kasi naiintindihan ng COA ang kalakaran at patakaran sa pagpapatakbo ng negosyo na gaya ng online gaming. Isang lantarang pagmamaliit sa kakayahan ng COA ito na halos insult na.

Naniniwala ako na may mas malalim na paliwanag dito na karapatang marinig ng taong bayan at sana ay hindi balewalain ng COA ang naging pahayag ng Philweb tungkol sa isyu at sana ay panindigan nila ang kanilang rekomendasyon lalo pa kung alam nila na ang pagsilip sa kontrata sa pagitan ng Philweb at PAGCOR, ang pagsilip na rin sa kwentahan ng buwis na para sa bayan, ay makakapagdulot ng dagdag na tulong sa mamamayan.

Mag-text po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa 09215186724. O kaya ay email sa: ariel.inton@gmail.com. Atty. Ariel Enrile-Inton

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply