Lump sums: Pork barrel noon, ganundin ngayon?

NAGKAROON ng giyera patani ang mga mambabatas sa Kamara nitong nagdaang mga araw.

Ang dahilan, Suki, ay binabarat umano ng administrasyong Aquino ang mga taga-Visayas at Mindanao.

Wataymen, hindi umano pantay ang pamimigay ni P-Noy ng salapi ni Juan sa 2011.

Sobra-sobra umano ang ibubuhos nito sa Luzon at Metro Manila samantalang kakaunti lang ang para sa Visayas at Mindanao.

Mula sa P1.6 trilyon na pambansang badyet, 16.3 porsyento o mahigit P260 bilyon ang para sa kalakhang Luzon samantalang 3.6% o nasa P61B ang para sa National Capital Region.

Magkakaroon naman ang Visayas ng 7.7% o P123B at ang Mindanao ng  10% o P160B lamang.

May nagbubuhos naman ng malamig na tubig sa mainit na bumbunan ng 54 district congressmen mula sa Visayas at 58 mula  sa  Mindanao.

Ang sabi, pupuwedeng pumarte ang mga taga-Visayas sa Pantawid Pampa-milya Pilipino Program na may  P29.2 bilyon  at   sa  Conditional  Cash  Transfer na may  P21 bilyong. Meron din umanong  21% ng lump sum  na  makukuha ng  Visayas  at 21% ng Mindanao.

oOo

Teka nga pala, ano ba yang lump sum at magkano o ilang bilyon piso, huh?

Nagtatanong tayo, Suki, dahil noong panahon ni Gloripie, yang lump sum ang kabilang sa mga pinag-aawayan.

Ipinasasakamay ang mga malalaking halaga, daang milyon o bilyon-bilyong piso, sa mga ahensiya ng pamahalaan na nasa bosing ng repablik ni Juan ang mamamahala kung paano, kanino at kailan gagamitin.

Yun pala, pork barrel ng mga taga-Malakanyang ang mga iyon. May direkta nang pork barrel si bosing, may pork barrel pa siya na ipinahahawak lang sa mga ahensiya ng pamahalaan na direkli ander di opis op di president.

Makaraan ang isang taon, wala nang nakaaalam pa kung bakit naglaho na parang bula ang mga malalaking bahagi ng mga ito.

At dito sumasakit ang ulo sa imbestigasyon ang mga aydul natin sa Senado na katulad ni Nene Pimentel.

Yung ibang mga senador, gaano man sila kabangis laban sa mga korap ay nanahimik na lang sa mga isyu rito.

Palibhasa’y kaalyado sila ng mga magagaling na salamangkero sa mga lump sum.

Sa panahon ni PNoy, ipahahawak umano ang mga lump sum sa mga ahensiya ng gobyerno.

Hindi kaya maiiskam na naman ang mga lump sum na yan lalo’t hanggang sa tinitipa natin ito ay wala pang malinaw ukol sa lump sum o bultuhang salapi na ito.

Ang masama, kapag may nalalaman tayo sa mga imbestigasyon, hanggang doon na lang dahil wala namang nangyayari sa Office of the Ombudsman, lalo na kung konektado na ang iskam sa mga malalaking buwaya.

Ngayon, Suki, magandang bantayan ang mga lump sum dahil oki man si P-Noy, hindi tayo nakatitiyak sa kanyang mga tsuwariwap. Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply