Maghanda sa kambal na bagyo, kasama si Juan

KAMALAS naman tayo, Suki.

Hindi pa tayo nakahihinga ng maluwag dahil sa super bagyong Juan, mayroon na ulit sama ng panahon na naispatan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.

May layo pa itong 1,500 kilometro sa repablik ni Juan at nasa Marianas Islands sa Pacific Ocean.

Pero kinakabahan ang mga nasa PAGASA dahil kung hindi pa ganap na makalalabas si Juan sa atin at magpang-abot ang dalawa, hindi na nila alam kung ano ang mangyayari.

Eh atubili yata si Juan na pumunta sa Vietnam, Tsina at Thailand.

Bumagal ang takbo nito palabas ng teritoryo ni Juan.

Naalala ninyo, Suki, nang magpang-abot sina Pepeng at Ondoy noong nakaraang taon?

Naku, nagkamalas-malas tayo.

Eh kung babalik sa atin si Juan dahil hahatakin siya ng namumuong bagyo pabalik galing Vietnam at Tsina, ano nga ang mangyayari?

Sana naman, hindi magaganap ang kinatatakutan nating lahat na mga kambal na bagyo.

oOo

Anoman ang mangyari, dapat tayong magkaisa at magtulungan para sa kaligtasan.

May sariling diskarte si Juan laban sa bagyo at baha.

Pero maganda na ring makinig siya sa pamahalaan kung ano ang kanyang sasabihin at gagawin.

Kung magtutulungan si Juan at ang gobyerno, pinakamainam.Walang imposibleng gawin.

Ang isang kontribusyon ng pamahalaan ay ang maaga nitong pagkilos laban sa bagyo at baha.

Adbans ang pagwawarning nito sa pamamagitan ng PAGASA, katulong ang media, mga lokal na pamahalaan, pulis, militar, volunteers at marami pang iba.

Pero ang tiyak, hindi nito kayang iebakwit ang libo-libong tao sa mga rumaragasang baha at mababangis na hangin ng bagyo.

May paliwanag diyan.

Hindi basta tatakbo ang mga sasakyang panlupa at pandagat kung malulunod naman sila.

Lalong paralisado ang gobyerno sa dilim ng gabi, sa totoo lang.

Kaya ang pangunahing maaasahan ni Juan ay walang iba kundi ang kanyang daang libo o milyon nitong lahi.

oOo

Ang sabi ng Department of Social Welfare and Development, kaya nitong kumilos para maibsan ang gutom at hirap ng mga biktima.

Pero mamaya lang ay tiyak nang aatungal yan at manghihingi ng tulong mula kina meyor at iba pa.

Karaniwan pa ngang kasali ito sa mga sisihan at turuan pag kinapos ang mga rasyon.

Mismong ang mga lokal at nasyonal na DSWD ang nag-aaway-away. Karaniwang drama ng nasyonal, alalay lang sila.

Mababago na ba ito ni Ms. Dinky Soliman, huh?

O kayong mga onorabol, ano nga pala ang naiisip ninyong gawin sakaling may bagong bagyong darating?

Paano kung maulit ang kambal na bagyo, huh? Rey Briones

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply